Ang maglingkod sa inyo

Castellijos

“Pare-pareho lang kami ng tinatanggap na grant pero mas malaki ang obligasyon ko. Nakakatuwa dahil alam kong pinagkakatiwalaan ako,” wika ni Rhodora Sargan, 52, Parent-Leader ng Balaybay Resettlement, Castillejos, Zambales.

Si Rhodora ay nakatapos ng Bachelor of Science in Commerce, ngunit matapos magsara ang pinagtatrabahuhan nilang Korean Company sa Maynila ay sinubok naman nilang mag-asawa ang makipagsapalaran sa Zambales. Sila ay naging food and fruits vendor, gamit ang kanilang natatanging napundar noon na motor. Inuubos nila ang umaga at kung minsan pati na rin ang gabi makaubos lang ng paninda.

Hanggang sa dumating ang Pantawid, siya ay nagkaroon pa nang ibang trabaho na masasabing wala naman talagang sweldo, ang pagiging Parent-Leader. “Ginusto ko na rin talagang tumulong,” aniya. At ‘di naglaon, siya ay naging Head ng lahat ng Parent-Leader sa buong Castillejos. At taong 2015, noong magkaroon ng second round assessment ng mga household, siya ay pumasok na Enumerator sa Listahanan o National Household Targeting System—Poverty Reduction (NHTS-PR).

“Dati akong aktibista, pero na-realize ko na kung hindi ka magsisipag at magsisikap ay walang mangyayari at hindi dapat sa gobyerno ibunton ang sisi dahil sa huli tayo pa rin ang gumagawa ng kapalaran natin. Noong ako ay naging Enumerator ng Listahan o NHTS-PR, umakyat ng mga bundok at pumunta sa mga pinakaliblib na lugar ng Zambales ay mas lalo kong ninais na maranasan din ng mga katulad kong mahihirap ang alalay na hatid ng Pantawid,” aniya.

Nakita, nasaksihan ni Rhodora kung pa’nong nakakatulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga mahihirap na gaya niya, at nais niyang maging bahagi nito. Kaya naman nito lamang nakaraang Abril, siya ay nag-apply sa DSWD Regional Office. Naipasa niya ang lahat ng exam at naghihintay na lang na ma¬-panel interview para sa posisyong Project Development Officer (PDO) II ng Sustainable Livelihood Program (SLP). ### (Andyleen C. Feje)




Magsumikap sa Pag-aaral, sa buhay

Subic

“May mga hindi nagpapaaral ng anak nila, meron namang mga nagpapa-aral lang ng anak nila. ‘Di dun na tatapos ‘yun, dapat i-encourage natin sila,” wika ni Marilou Romero, 44, Parent-Leader ng Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales.

Si Marilou ay tubong Maynila kaya naman nahirapan siya ng lumipat sa upland area. Mabagal ang paggalaw, aniya. Pakiwari niya’y wala ng mangyayaring pag-asenso. Tanging maliit na tindahan lang ang pinagkukuhanan niya ng pagkakakitaan.

Si Marilou ay may limang anak, dalawa sa una niyang asawa, dalawa rin sa pangalawa, at isa sa huli. Hindi niya ipinagmamalaki na siya, anila ay ‘nakarami,’ ngunit hindi n’ya rin ito itinatanggi. “Hindi ko naman ginustong laging maiwan,” aniya. Gayunpaman, nais niyang magsilbing inspirasyon ng kaniyang mga anak upangs sila’y lalo pang magsumikap sa pag-aaral.

Taong 2011, Disyembre 8, nang dumating ang Pantawid Pamilyang Plipino Program. Siya, kasabay ng kaniyang mga anak, ay nag-aral din sa tulong ng Pantawid—leadership trainings. At lahat ng natutunan niya sa Pantawid ay kanyang isinabuhay.

“Ang mga training na binigay ng Pantawid ay s’ya ko ngayong nagagamit. Ako ay pangulo ng asosasyon ng mga magsasaka sa aming lugar, representative ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) tuwing may Farmer’s Forum, signatory sa Bottom-Up Budgeting (BUB) para sa planning ng projects sa Subic, at head ng New Tibag Multi-purpose Cooperative. Akala ko noon ay doon lang ako sa apat na kanto ng lugar namin ngunit ngayon ako ay nagkaroon ng function sa community,” pagkukwento ni Marilou.

Mayroon silang active transaction sa DENR, isa ang kanilang grupo sa supplier para sa programa ng ahensya na National Greening Program. Ang mga babae niyang kasamahan ang siyang inaatasan niyang magpatubo at magpalaki ng buto na siya namang itatanim sa bundok ng kanilang mga asawa. ‘Di lang siya ang umaasenso pati ang kanyang mga kamiyembro, at ang komunidad nila. Ngayon, ay nakapagpatayo sila ng Farm to Market road sa tulong ng BUB. Ang Tibag ay kilala bilang isa sa malaking supplier ng saging, gulay, langka, mais, at kamote sa buong probinsya kaya naman napakalaking tulong sa magsasaka.

“Nakakatuwang isipin na isa ako sa mga Parent-Leader na palagiang kasama sa Senado. Nakakatuwa rin pakinggan na, ‘kailangan po ng pirma ninyo,’ parang bigla akong naging importanteng tao,” bahagi ni Marilou.
Lumaki na nga ang kanyang pamilya, dumami na ang kaniyang mga anak—dumami na ang kaniyang bibigyang suporta at inspirasyon.

“Naalala ko pa noong magkaroon ng landslide sa amin taong 2012, buntis ako noon pero tila nakalimutan ko dahil pinicturan ko yung pangyayari at ipindala sa DSWD. Pero ‘di pa ako nakuntento at nabuhat ko pa ang mga bubong, at mga tumumbang kahoy sa kalsada,” pagkukwento ni Marilou. At dahil doon ay natalaga siya bilang first runner up sa Juana, Women in Disaster, nang taon din yun. ### (Andyleen C. Feje)




Proud Katutubo Ako

Palauig“Naalala ko pa noon, tuwing magpapasukan, ang laging bukambibig ng mga anak ko, ‘ayokong pumasok dahil wala naman akong ganito, ganyan,’ pero ngayon sila na ang nangungulit at nagtatanong kung kelan ang pasukan dahil naka-ready na ang gamit nila,” gunita ni Lenida Caseres, 46, Parent-Leader mula sa Dampay Salaza, isang resettlement area sa Palauig, Zambales.

Mahalagang napupunan ang mga gamit na pangangailangan ng mga bata sa eskwela, hindi lang ito basta luho, ito ay parang mga sandatang baon nilang nagsasabing kahit papano’y ‘handa na akong harapin ang mga pagsubok ng mundo’.

Si Lenida, sampu ng kanyang asawa, si Jerry Caseres, 47, magsasaka, at tatlo pang mga anak ay sinubok ng pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991. Natabunan ang kanilang tirahan, pinagkakakitaan, at pati na rin ang pangarap nilang makaahon sa buhay. Aniya’y tila nalubog ang kanilang pag-asa. At mas lalo lang siyang nanlulumo sa kalagayan nila tuwing aabutan sila ng relief goods. Ang kanilang tahanan ay gawa sa cogon. Kamote at mais ang tanging pantawid nila sa araw-araw, mapa-umaga, tanghali man o gabi. Ang tanging pinagkukuhanan lamang nila ng pera ay ang paggawa ng barbeque stick, na apat na piso lang din naman kada tali. Ang damit nila ay iilan. Lalo na ang uniform ng kaniyang mga anak, iisa lang, kaya kailangang labhan tuwing gabi. Napagkaitan din ng sapin ang kanilang mga paa, at fishnet ang gamit nilang bag. Talamak pa naman noon ang pang-aalipusta sa mga tulad nilang katutubo, Aeta.

Hindi marunong mag-ayos, maligo—pangit ‘yan ang bansag sa kanila. ‘Hoy ang dungis-dungis mo para kanang Aeta,’ kadalasang linya ng mga magulang na nakatira sa low land. “Kaming mga katutubo, lalo na nung unang mga panahon, ay ‘di marunong makisalamuha,” amin niya.

Si Lenida ay pinalad na nakatuntong ng kolehiyo, scholar s’ya noon ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ngunit hanggang first year lang, sapagkat siya ay nag-asawa rin kaagad noong siya ay 18 anyos. Laking hinayang niya nang huli kaya naman mataas ang pangarap niya sa kanyang unica hija si Legie Caseres. Si Legie na noong elementarya ay palaging First Honor, na noong High School ay palaging nasa Top 10, ngunit noong magkolehiyo, pagtuntong nang 16 anyos ay nag-asawa na rin at nagkaanak. Doble ang panghihinayang niya. Lalo lang siyang nawalan ng pag-asa, hanggang doon na lang yata talaga sila, pakiwari niya.

Ngunit, taong 2010, dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Unti-unting nabago ang kanilang buhay, at ang paningin nila sa buhay. “Bilang katutubo at magulang, mahalagang pag-aralin natin ang ating mga anak, ‘wag lang tayo magkulong sa bundok. Ito ang magbibigay lakas ng loob sa ‘tin pati na rin sa ating mga anak na makisalamuha sa mga unat at may pinag-aralan. Noo’y naiinggit lang ako sa mga may anak na naka-graduate na ng kolehiyo, lagi kong pinapanalangin na sana maranasan ko rin iyon.

At dumating pa ang Expanded Students Graint-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) Scholar at naging scholar ang aking panganay na si Legie at magtatapos na ng kolehiyo na may kursong Bachelor of Science in Elementary Education sa Central Luzon State University,” bahagi niya.

Ngayon, ay mas matibay na ang kanilang bahay, gawa na ito sa yero at plywood. Nakapagpundar na rin sila ng lamesa, television, at cellphone. Nakapagpundar na rin sila ng confidence, at magandang imahe. Mas matibay na ngayon ang kanilang kinakipitan na may maganda at masaganang buhay na nakalaan para sa kanila.

Ang pamilya nila ay tinanghal na 2nd place bilang Huwarang Pantawid Pamilya noong 2015. Parehong taon kung Kaylan siya tinanghal na 2nd runner-up bilang Juana, bilang parte ng pagdiriwang Buwan ng mga Kababaihan. At ngayon, Si Lenida ngayon isa nang Day Care Worker. ### (Andyleen C. Feje)




Edukasyon, tanging pamana

“2015 Class Valedictorian, Perez Eugene Lingit ” sabay ng masigabong palakpakan.

Malinaw sa alaala ng mag-asawang Warlita at Gil Perez, benepisyaryo ng Pantawid Pamilya at tubong Brgy. Tabon, San Isidro, Nueva Ecija ang parangal na natamo ng kanilang anak nang ito ay magtapos ng High School nitong Marso.

”Naalala ko tuloy ang pagtatapos din ng aming panganay na anak na si Edmond sa kursong Civil Engineering sa tulong ng CHED Scholarship Program na kasalukuyang naghahanda para sa nalalapit na pagsusulit para maging lisensyadong inhinyero,” ang pagmamalaking sabi ni Warlita.

Lahat ng mga anak nila ay nag-aakyat ng karalangan sa pamilya: ang bunso ay nakatapos ng elementarya na isang valedictorian; at isa pang anak na si Evander ay nasa Top 2 sa klase bilang Grade 9; at si Eugene naman ay kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Science in Accountancy.

Ang pamilya Perez ay nagkakaisa na makamit ang pangarap na makatapos ng kolehiyo at makapagtrabaho ng maayos para sa ikagaganda ng kanilang antas ng pamumuhay. “Hindi po maganda ang aming bahay dahil binibigyan po naming ng prayoridad ang pag aaral ng aming mga anak.” Makikita sa kanilang tahanan ang simpleng pamumuhay , walang kayamanan ngunit puno ng nakasabit na karangalan at medalya na bunga ng katalinuhan ng kanilang mga anak.

Si Gil ay isang magsasaka at nakapagpundar ng isang kalabaw para sa karangdagang kita samantalang si Warlita ay isang tindera ng fishball, kikiam, itlog at iba pang pangmeryenda sa harap ng eskwelahan ng Barangay Tabon. Sa loob ng siyam na taon na paghahanapbuhay, ito ang pinagkukuhanan ng pangsuporta sa pag- aaral ng kanilang mga anak maliban sa Pantawid grant na natatanggap mula sa DSWD.

“Isang napakalaking tulong ang naibigay ng Pantawid Pamilya sa aming buhay,” ani Warlita. Ang dagdag pa niya, ito ang aming naging kaagapay sa pagsagot sa mga gastusin nila sa paaralan.

Malaking tulong din sa aking pamilya ang pagdalo ko sa Family Development Session (FDS). “Ang mga natututunan ko sa regular na pagdalo ko sa FDS ay naibabahagi ko sa aking pamilya lalo na sa aking mga anak kaya lalo pang gumanda at tumatag ang samahan namin sa bahay,” ani Warlita.

Ang sabi pa ni Warlita: ang kanilang mga anak ay hindi nakakalimot sa tamang pag-uugali at magandang pakikitungo sa kapwa. Pinapahalagahan nila ang pinaghirapan ng kanilang mga magulang para makatapos ng pag-aaral. Tumutulong rin sila sa mga gawaing bahay at trabaho sa bukid. Pinapanatili nila ang pagkakabuklod-buklod ng kanilang pamilya. Salat man sa mga materyal na bagay hindi ito ang nagiging sanhi ng kawalang pag-asa bagkus ito ay nagiging inspirasyon upang lalong magsumikap at umahon mula sa hirap.

“Edukasyon lamang ang maipamamana namin sa aming mga anak kaya ganito kasidhi ang aming pagnanais na makatapos silang lahat at ang aming motto ay Edukasyon pa more,” ani Warlita. ### (SMU/Rowena T. Balingit)




Responsibilidad

“Kamusta po mga kasama?” Ito ang bungad ni Erwin Dela Cruz sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya ng San Roque, Cabiao, Nueva Ecija sa buwanang pagtitipon para sa Family Development Session (FDS).

Bilang isang parent leader, si Erwin ay tumutulong sa pag-conduct ng FDS. Kung minsan siya ang nagiging pangunahing tagapagsalita para sa napiling paksa gaya ng “Active Citizenship”.

Bukod sa Pantawid, tumutulong rin siya sa panahon ng kalamidad gaya ng paghahanda ng mga relief goods at pagbibigay ng pangunahing pakikinig at pagbibigay ng payo sa mga miyembro ng Pantawid na kanyang nasasakupan. Tumutulong din sya sa pagsasagawa ng Social Welfare and Development Indicator (SWDI) administration. “Isang
taong maasahan sa lahat ng oras,” Ito ang pagsasalarawan sa kanya ni Rowena Balingit, Social Welfare Officer III ng Pantawid Pamilya.

Taong 2012 nang mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang kanyang pamilya. Sa kasalukuyan ay mayroon siyang tatlong anak na may edad 11, 9 at 5 at nag-aaral sa Cabiao Elementary School. Hindi sila lumiliban sa klase at may malusog na pangangatawan.

Simple lang ang kanilang buhay ngunit makikita mo sa masasayang mukha nila ang pagmamahalan na mayroon sa loob ng pamilya.

Si Erwin ay may kakayanan sa embroidery na natutunan nya nuong 2010 at ito ang kanyang pinagkakakitaan. Tumatanggap siya ng tahiin sa bahay gamit ang isang lumang makinang pananahi. Ang kanyang asawang si Liezl naman ay namamasukan bilang isang kasambahay para makatulong sa pinansiyal na gastusin at kumikita ng P2,500 bawat buwan.

Bilang isang parent leader, s’ya ay tumutulong sa pag-conduct ng FDS at kung minsan siya ang nagiging pangunahing tagapagsalita para sa napiling paksa gaya ng “Active Citizenship”.

Tumutulong rin s’ya sa panahon ng kalamidad gaya ng paghahanda ng mga relief goods at pagbibigay ng pangunahing pakikinig at pagbibigay ng payo sa mga miyembro ng Pantawid na kanyang nasasakupan. Tumutulong din sya sa pagsasagawa ng Social Welfare and Development Indicator(SWDI) administration. “Yan si Erwin dela Cruz, Isang taong maasahan sa lahat ng oras,” ani Rowena Balingit, Social Welfare Officer III ng Pantawid Pamilya.

Simula ng mapabilang sya sa Pantawid Program at patuloy ang kanyang pagdalo sa mga pagtitipon at pagsasanay para sa mga parent leaders ng DSWD Pantawid Program. Nakadalo sya sa level 1 hanggang level 3 training at nakasalamuha at nakakilala ng mga ibang tao na naging inspirasyon sa patuloy na pagtulong sa pagtaguyod ng programa ng Pantawid. Naging bahagi na ng kanyang buhay ang pagtulong sa kapwa at pagtulong sa mga Municipal Links sa bayan ng Cabiao.

Dahil sa kanyang kasipagan si Erwin ay napabilang sa mga Enumerators ng National Household Targeting System o Listahanan nuong Septyembre 2015. Siya din ang isa sa mga lumahok at lumagda sa Bottom Up Budgeting ng Pamahalaan ng Cabiao, Nueva Ecija.

At dahil din sa kanyang abilidad, napabilang si Erwin sa pagsasagawa ng NHTS-PR On Demand Assessment (ODA) para sa mga pamilya na kinakailangang pang mabisita at masuri ang kalagayan sa buhay.

“Patuloy akong maglilingkod sa aking mga kabarangay at kababayan dahil ito ay responsibilidad na aking tinanggap at patuloy na gagampanan. Responsibilidad sa pamilya at kapwa ang aking pinanghahawakan para sa pagbabago ng aming buhay “, ang may diing sabi ni Erwin. (SMU/Rowena T. Balingit)




Determinasyon, susi sa pag-angat ng buhay

“Malaki ang kagustuhan naming mabago ang aming buhay kaya ganun na lang ang pagsisikap naming mag-asawa ngunit hindi ganun kadali,” ani Gng. Lyn Caspillan, 36 na taong gulang ng Caputican, Talavera, Nueva Ecija.

Si G. Rafael Caspillan, ang ama ng tahanan, ay isang driver at ang kinikita ay hindi sapat para sa kanyang pamilya na may anim na myembro. Maliit lamang ang kanilang bahay at tuwing umuulan ay nababasa sila dahil sa butas ang bubungan. Wala rin silang sariling palikuran at walang sariling pagkuhanan ng tubig at kailangan pang umigib sa malayo. Wala silang kuryente kaya nagkakasya na lang sa ilaw na gasera.

Matalino ang kanilang mga anak kaya kahit naghihikahos sa buhay ay pilit nilang iginagapang ang kanilang pag-aaral.

Upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, nagsimula si G. Caspillan na pasukin ang pagwewelding ng mga rehas ng bintana, hagdan at iba pang gawa sa bakal. Si Gng. Caspillan naman ay tumulong din sa pamamagitan ng pagtitinda ng kurtina, damit at iba pang maaaring pagkakitaan.

“Nabuhayan kami ng loob noong taong 2012 nang makasali sa Pantawid Pamilya. Sa wakas, may tutulong na rin sa aming pamilya,” ani Gng. Caspillan. At kasabay nito, si G. Caspillan ay nagsimulang magbahay-bahay upang makakuha ng mga order mula sa mga magpapagawa ng bintana o rehas sa hagdanan. Hindi naman nasayang ang ibayong pagsisikap niya at unti-unti ay may tanggap na rin siyang order na trabaho. Dahil sa kanyang mahusay na trabaho ay dumami ang tanggap nyang trabaho. Si Gng. Caspillan naman ay nag-umpisa na rin sa kanyang maliit na tindahan.

Taong 2013 nang magsimulang magbago ang kanilang buhay. Dahil sa determinasyon, sipag at tiyaga ay nakapagpatayo sila ng isang maayos na tahanan. Mahimbing at matiwasay na rin ang kanilang tulog kahit umuulan at may maliwanag na ilaw na ring tumatanglaw sa kanila. Hindi na rin nila problema ang mga gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak dahil na rin sa tulong Pantawid Pamilya.

“Masaya ang aming buhay lalo na at hindi na namin pinoproblema ang mga gastusin sa bahay at ang pagtustos sa pag-aaral ng aming mga anak. Nakakadalo ako sa mga pagtitipon at iba pang gawain o mga proyekto ng Pantawid Pamilya. Ang natatanggap naming grant ay malaking tulong sa mga gastusin ng sa pag-aaral ng aming mga anak,” ang masayang tinuran ni Gng. Caspillan.

Kasabay ng pag-angat ng kanilang buhay ay ang pag-angat din ang kumpiyansa sa sarili ni Gng. Caspillan na isa na ngayong parent leader. Bilang parent leader, aktibo siyang tumutulong sa kanyang kapwa benepisyaryo at patuloy na humihikayat sa kanila lalo na sa pagdalo sa buwanang Family Development Session (FDS).

Sa kasalukuyan, ang pamilya ay nasa ‘buy and sell’ ng segunda manong kotse at malaki ang naidagdag nito sa kanilang kinikita. “Hindi kami nakakalimot na pasalamatan ang Diyos sa lahat ng mga biyayang ipinagkakaloob niya lalo na ang ang pagkakataong makasali kami sa Pantawid Pamilya na naging daan upang mapalago ang aming spiritual and moral values sa tulong ng FDS,” ang pahayag ni Gng. Caspillan. ### (SMU/Nora Valenzuela)




DSWD programs give hope to a solo parent

Ibinabahagi ni Evelyn David, isang solo parent kung paanong nakatulong ang mga programa ng DSWD sa kanilang pamumuhay at pagkakaroon ng muling liwanag ang kanilang buhay.
Ibinabahagi ni Evelyn David, isang solo parent kung paanong nakatulong ang mga programa ng DSWD sa kanilang pamumuhay at pagkakaroon ng muling liwanag ang kanilang buhay.

“Kaagapay ko ang Pantawid Pamilya at Sustainable Livelihood Program (SLP) sa mag-isang pagtataguyod ko sa aking anak,” said Evelyn David.

A solo parent for seven (7) years, Evelyn, 29, has single-handedly taken care of Jhaliyah Ashley, 7 years old, an incoming grade 2. “It was really hard for me then and I even thought of working abroad to support my child,” Evelyn added.

In 2013, Evelyn’s family was among the families of Victoria, Tarlac who were identified for the Set 6 of Pantawid Pamilya. And in May 2015, she availed of capital assistance under the SLP which she invested in “bigasan”. From her successful bigasan business, Evelyn now operates her own sari-sari store.

“Nakabili na rin ako ng 100 sq. meter lot mula sa kinikita ko sa bigasan at sari-sari store. Secured na rin ang kinabukasan ng anak at hindi ko na rin kailangang magtrabaho pa sa ibang bansa upang matustusan ang kanyang pag-aaral. Salamat sa tulong ng DSWD at nagkaroon ng liwanag ang aming buhay. ### (SMU)




Awa na sinamahan ng gawa

Ang pamilya Colliado habang kanilang ipinagbubunyi ang tagumpay na nakamit ng bawat-isa.
Ang pamilya Colliado habang kanilang ipinagbubunyi ang tagumpay na nakamit ng bawat-isa.

‘Nak pasensya na kayo sa tres, ‘yan ang laging bungad ni Ailyn Colliado, 41, ng 117 Crisanto Sanchez, San Jose City, Nueva Ecija, sa kanyang tatlong anak tuwing umaga bago sila pumasok sa eskwela.

Si Aileen ay naglayas sa kanilang probinsya nang siya ay 15 taong gulang pa lamang. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral, siya ay nagpalaboy-laboy, sa Cavite, sa Pangasinan, hanggang sa siya ay makarating sa Nueva Eija. Siya rin ay nalululong sa droga. Maraming taon siyang malayo sa kaniyang pamilya, maraming taon siyang nag-isa hanggang sa may nagmagandang loob at tumulong sa kaniya. Ito ang kanyang kahapon na hindi niya nais na danasin ng kanyang mga anak. Ganoon din ang nais ng kanyang asawa si Alexander, 37, namamasada ng motor ng iba (na may boundary). Ngunit kung minsan ang simpleng pagnanais ay ‘di sumasapat.

Pangamba, ‘yan ang nararamdaman nila tuwing titignan ang kanilang bahay na gawa sa sako ang ding-ding, at ang kanilang anak na panganay na si Alexandra na noon ay nasa unang baytang na ay hindi pa rin marunong magsulat.

“Sinabayan ko ang pagnanais na gumanda ang kinabukasan namin ng pagtitinda (ng bagoong) at paglalaba, at ‘pagtawag sa kanya’,” kwento ni Aileen. Taong 2011, nang ang kanilang pamilya ay mapasama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Naging aktibong miyembro si Aileen, at kanyang pamilya. Siya ay naging Parent-Leader ng kanilang lugar at ‘di nagtagal ay ng buong San Jose. Hindi naglaon siya ay naging Barangay Health Worker, nakilala sa buong San Jose. At taong 2013, siya ay nagbakasaling hingin ang tiwala ng mga kabarangay niya at mahahal bilang Barangay Kagawad, na hindi naman nila pinagkait sa kaniya. Ngayon siya na ang nagkusang umalis sa programa; “nais kong nabigyan din ng pag-asa ang iba kung paanong ako ay nabigyan,” sambit ni Aileen. Bukod sa pagiging Kagawad siya rin ay hiniling ng mga kababayan niya na maging adviser ng Pantawid Pamilya sa lugar nila.

“Mas malaki ang puso ko para sa mahihirap, ako ang kanilang takbuhan. Gayunpaman, ayokong tinatawag nila akong Kagawad, gusto ko’y ‘Ate Aileen’ o kung ano lang ang nakasanayan nila ‘pagkat ayoko silang mailang sa akin,” wika ni Aileen.

Siya ay isa sa mga Pioneer Parent-Leader ng San Jose. At nang taong 2014, siya ay hinirang bilang Best (Cluster) Parent-Leader, na sinundan ng pagkakahirang niya bilang Most Supportive Barangay Official.

“Hindi kailanman man mababayaran ng pera ang lahat ng nakuha at natutunan ko sa Pantawid,” sabi ni Aileen. “At ang pinaka masarap sa lahat ay yung hindi nalang tres ang nabibigay ko sa aking mga anak, napaglalaanan ko na sila. At hindi na ako kakaba-kaba na dahil sa sako naming ding-ding sapagkat ngayon ang bahay namin ay sementado na ang kalahati at ang kalahati nama’y plywood na,” dagdag ni Aileen.

Mayroon na rin silang sariling motor, at nito lamang nakaraang Abril ay nagkamit ng Most Cooperative at Most Helpful Award ang kanilang panganay (Grade 6), at Top Two naman ang sumunod ditong Si Ailex (Grade 5), at ang bunso na si Mac (Grade 4) ay Top Two rin, Most Diligent at Most Obedient. At ngayong nalalapit na naman ang pasukan ay mas buo na ang loob ni Aileen na may magandang bukas na naghihintay sa kanyang mga anak—sa kanilang pamilya. ### (Andyleen C. Feje)