PANIQUI, TARLAC – Pagtitiyaga, pagmamahal, at pagiging matatag – ito ang mga katangiang naging susi upang makamit ni Angelica Jane Ordoña ang parangal bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering sa Tarlac Agricultural University.
Sa murang edad, namulat si Angelica sa kahirapan. Nasaksihan niya ang pait na dulot nito kaya sinabi niya sa kanyang sarili na balang araw ay aahon sila sa kahirapan.
Isa sa naging dagok sa buhay ni Angelica ang pagkawala ng kanyang ama sa murang edad, “‘di sana kami mahihirapan kung buhay pa ang papa. I lost my father at a very young age. Dahil po doon mas naging mahirap na para sa pamilya kasi si papa ang haligi ng tahanan.”
Naging motibasyon ni Angelica ang hirap at mabigat na responsibilidad na kanyang kinamulatan para mas pagbutihin ang kanyang pag-aaral dahil nakita niya ang sakripisyo ng kanyang ina at lola.
Ngunit panibagong pagsubok nanaman ang kinaharap ni Angelica sa pagkawala ng kanyang lola, inisip niya na wala na siyang kasangga at wala na siyang motibasyon upang magpatuloy sa kanyang pag-aaral. Pakiramdam niya na bitbit niya ang buong pamilya niya dahil sa nakaatang na responsibilidad sa kanya na makapagtapos ng pag-aaral upang matulungan niya ang kanyang mga mas nakababatang kapatid.
“Umiyak ako sa kanila, at ang sarap lang sa feeling na all these times, di pala ako mag-isa. Narealize ko na kahit wala na ang lola, marami po kong masasandalan.” Naging bukas ang komunikasyon nina Angelica at ng kanyang pamilya at doon niya naramdaman na hindi siya nag-iisa.
Ang pamilya ni Angelica ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nang makatapos siya ng High School, nagkaroon siya ng pagkakataon na makapag-apply bilang iskolar sa ilalim ng Extended Student Grant-in Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) na siyang ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na papasok sa kolehiyo. “Kahit walang mabaon, walang makain, walang mapagkunan. At nalaman ko na ang mga opportunities na galing sa gobyerno ay di lang para sa mga matatalinong tao kundi para sa lahat ng mga nagsisikap na mapagbuti ang buhay nila at ang pamilya nila.” dagdag pa niya.
Simula pagkabata ay nangunguna na sa klase at paaralan si Angelica, maraming mga parangal na ang kanyang natanggap. Kaya nito lamang nakaraan ay nakapagtapos si Angelica bilang Magna Cum Laude. “Just like any other achievers, it felt fulfilling, rewarding and overwhelming. Above all of that I felt so blessed kasi I only asked God na makapagtapos ako at mamaintain ko yung grade ko para lang di maalis sa program para sa scholarship kasi for sure, di na ko makakapag tuloy sa pag-aaral.”
Pagbabahagi ni Angelica, “Finishing college is easy, I guess but sustaining and providing are the hardest part. But one thing is for sure, kakayanin ko lahat kahit gaano kahirap basta para sa pamilya ko. I guess that’s one thing. Let your drive be greater and stronger than your struggles. And everything will fall into [their] rightful places.”
###
Story by: Alexine Bianca RdS. Castañeda