Upang maibsan ang  epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin gaya ng produktong petrolyo na dulot ng Tax Reform for Acceleration Inclusion (TRAIN) Law, nagkaroon ang mandato ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng pinansyal na ayuda sa mga mahihirap na indibidwal at sambahayan sa pamamagitan ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Program. 

Kabilang ang mga benepisyaryo ng Social Pension for Indigent Senior Citizens ng DSWD sa mga mabibigyan ng pinansyal na ayuda mula sa UCT, alinsunod sa Section 5, Republic Act 9994 o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010. 

Nakasaad sa RA 9994 na ang mga  klasipikado bilang Indigent Senior Citizens ay ang mga nakatatanda na mahina na ang pangangatawan, may sakit o kapansanan, at walang natatanggap na pension o walang permanenteng pinagkukunan ng pangkabuhayan, kabayaran o pinansyal na ayuda mula sa kanyang mga kamag-anak upang tugunan ang kanyang mga pangunahing pangangailangan. 

Kaugnay nito, ngayong buwan ay patuloy ang pamamahagi ng UCT Landbank of the Philippines (LBP) Cash Cards sa pitong probinsya (Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales) ng Region 3. 

Basahin ang proseso sa pagbibigay ng UCT LBP Cash Card:

  1. Pagpresenta at pag-assess ng mga dokumento at pagpapatunay ng mga sinumiteng orihinal na dokumento (Client Information Sheet [CIS], 1 Photocopy of Valid ID with 3 specimen signatures, at EMV Claim Form)
  2. Pagsusumite ng mga dokumento at pagtanggap ng UCT LBP Cash Card mula sa LBP Teller
  3. Pag-activate ng UCT LBP Cash Card
  4. Pag withdraw ng Cash Grant

Hinihikayat ng DSWD Region 3 na makipag ugnayan ang mga benepisyaryo ng Social Pension for Indigent Senior Citizens sa kanilang mga City/Municipal Social Welfare and Development Offices upang matukoy ang nakatakdang petsa ng pamamahagi ng kanilang UCT LBP Cash Card ngayong buwan ng Hunyo. 

 

 ###