Inaasahang 90,027 na indibidwal mula sa munisipyo ng Pulilan, Bulacan ang makakatanggap ng Php 1,000.00. Parte ito ng pinansyal na ayuda para sa mga residente ng NCR+ (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal) na naapektuhan ng Expanded Community Quarantine (ECQ). Sa ngayon ay 400 na residente ng Peregrina, Pulilan, Bulacan ang napamahagian.

Ayon kay Adel Tumo Batongbakal, 45 years old, nahihirapan sila ngayong ECQ dahil walang pumupuntang customer sa kanilang karinderya, “walang makapag deliver nang mga gagamitin namin tulad nang itlog, hindi kami makaluto kaya wala ring kumakain,”aniya “kaya itong ibinigay na ayuda ay malaking tulong saamin,”dagdag pa nya. 

Ipinambili naman nang gamot ni Alena San Pedro, 60 years old, ang kanyang natanggap na financial assistance, “May pambili na kami ng gamot ng aking asawa, at pati pagkain namin,” ibinahagi niya. 

Kaagapay ng lokal na pamahalaan ng Pulilan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 3,  Department of Local and Interior Government (DILG), at Department of National Defense (DND) upang ipamahagi ang pinansyal na ayuda sa mga benepisyaryo alinsunod sa Joint Memorandum Circular (JMC) 1, series of 2021. 

Prayoridad na mabigyan ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan ang mga sumusunod: 

  1. Mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng Bayanihan 1, at mga karagdagang benepisyaryo ng emergency subsidy sa ilalim ng Bayanihan 2;
  2. Mga SAP waitlisted beneficiaries;
  3. Mga kabilang sa bulnerableng sektor (mga taong mababa ang kinikita at namumuhay mag-isa, persons with disabilities, solo parents, at iba pa;
  4. Mga indibidwal na matutukoy ng lokal na pamahalaan na naging apektado ng ECQ.

Sinigurado naman ni Adora R. Angeles Municiapl Social Welfare and Development Officer nang Pulilan, Bulacan na sinusunod nila ang nakalahad sa JMC na bigyang prayoridad ang mga impormal na sektor na nasa database ng DSWD. 

Samantala, nagsimula na rin ang pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa 596,895 na benepisyaryo mula sa City of San Jose Del Monte at 48,136 na benepisyaryo ng Obando sa probinsya ng Bulacan. 

###