Hindi maikakailang isang talentadong bata si John Marko Dadulo, 19, mula sa Mexico, Pampanga, kung saan kabilang sila ng kaniyang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program

Noong nakaraang taon ay napili ang isa sa mga gawa ni John Marko at kaniyang pamilya bilang Best Poster sa naganap na nationwide Salayasay ng Buhay ng Pantawid Pamilya kung saan nilalayon na magkaroon ng bonding time ang mga pamilya at ibahagi ang kanilang kuwento sa panahon ng pandemya. 

Ang poster ay siyang gagamitin na kober ng Salaysay ng Buhay booklet na maglalaman ng tinipon na kwento ng mga Pantawid Pamilya beneficiaries mula sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa. 

“‘Di ko po [in]expect pag kakapanalo po namin sa national level sa DSWD poster making dahil sa dami ng kalaban ang dami pong magagaling na artist sa Pilipinas kaya sobrang saya po namin ng manalo.”

Naging laman ng mga balita si John Marko nang kaniyang ipakita ang angking galing sa pamamagitan ng pag-guhit ng portrait ng sikat na billiards icon na si Efren “Bata” Reyes. 

Ani John Marko, nagsimula siyang matutong gumuhit noong siya ay pitong (7) taong gulang pa lamang at hanggang siya ay lumaki pinagpatuloy niya ang pag-guhit dahil inspirasyon niya ang kaniyang pamilya sa paglikha ng kanyang mga sining. 

Naging inspirasyon din umano ni John Marko ang pagguhit ng portrait ng kayang idolo dahil nakita niya si Reyes bilang isang magaling ngunit mapagkumbabang tao. 

“Lumaki po ako na may bilyaran sa likod ng bahay namin bata palang po ako idol na idol ko na po siya di lang po magaling sa bilyard sobrang humble po niya at mabait na tao.” dagdag pa ni John Marko. 

Payo niya sa mga kabataang may talento sa pag guhit, “Pagpatuloy lang po nila ang pagguhit wag susuko at wag paapekto sa mga masamang komento ng mga tao sa mga drawing nila, bagkus gawin iyon na inspirasyon para lalong gumaling sa larangan ng pagguhit.”

 

###