Concepcion, Tarlac – Ang grupo ni Ginang Michelle Bucu ng Sitio Yangca Barangay Santiago ay nagkaisa na magkaroon ng communal garden. Nagtulung-tulong sila sa paglilinis ng bakanteng lote, pagtatanim ng gulay tulad ng okra, kamatis, kalabasa talong, sitaw, ampalaya, patola, talbos ng kamote, at malunggay, hanggang sa pag-aalaga ng mga ito. 

Napapakinabangan ito ng bawat isa ngayong panahon ng pandemya. Hindi na nila kailangang bumili ng mga gulay. bukod sa nakakatipid ang bawat isa, nakakasiguro pa silang ligtas at sariwa ang mga gulay na kanilang ihahain sa kanilang hapag kainan. Nakatutulong din sila sa kanilang mga kapitbahay dahil naibabahagi rin nila ang kanilang mga ani.

Ayon sa kanila, higit pa sa pagsunod sa kundisyon ng DSWD ang kanilang ginagawa. Malaki ang naging papel ng pagtatanim sa kanilang magkakagrupo dahil  mas naging mas malapit sila sa bawat isa. Nagsilbing bonding nila ang pag-aalaga ng kanilang gulayan dahil may regular silang gawain at minsan nakakasama rin nila ang kanilang mga anak na tumutulong sa pag-aalaga sa kanilang mga pananim.

Sa kasalukuyan, mayabong na ang kanilang mga pananim na gulay at ayon sa grupo ipagpapatuloy nila ang pagtatanim para sa kanilang pamilya  na makapabibigay ng malusog na pangangatawan sa kanilang mga anak.

 

Story by: Jenel S. David, Municipal Link