Isang pribilehiyo ang maging mabuting modelo at inspirasyon sa kumunidad na makakapagpabago sa buhay ng mga kapwa katutubong Aeta sa kabundukan ng Floridablanca. Isang kwento ng pamilya na magbibigay inspirasyon sa nakakarami. Payak at mahirap ang pamumuhay sa kabundukan dahil sa kalayuan ng kabihasnan kung saan ang mga pampangunahing pampubliko at pang pribadong serbisyo ay malayo sa kanilang tinitirhan. Gaya ng ospital, paaralan, at mga establismento nasa kabayanan mulang matatagpuan.

Isa ang pamilya ni Ginoong Rodrigo at Ginang Julieta Santos ang nakaranas sa kahirapang ito. Silang mag-asawa na nabibilang sa tribo ng mga Aeta na nakatira sa Sitio Camachille, Barangay Nabuclod, Floridablanca. Bilang mag asawa sa loob ng 15 na taon, sila’y biniyayaan ng tatlong (3) anak na sina Christine Joy, 12 taong gulang na kamakailan lang ay nagtapos sa Elementarya, Cabrini Juharah, 10 taong gulang, sa kasalukuyang nasa ika-anim (6) na baitang at si Carl James, pitong (7) taong gulang kasalukuyan din nag-aaral.

Ayon kay Julieta, ang kanyang pamilya ay biyaya ng Panginoon dahil sa pagmamahal sa kanila ng lumikha. Sila’y pinahahalagahan sa bawat sandali ng kanilang buhay.

Si Julieta ay nakapagtapos ng Batsilyer sa Edukasyong Elementarya at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang Child Development Worker sa kanilang komunidad, habang ang kanyang asawa na si Rodrigo ay sa kasalukuyang nag- aaral sa kolehiyo, kasabay ng kanyang pagiging isang Child Development Worker sa kalapit na sitio ng Nabuclod. Pinagsasabay niya ang pag-aaral at pag-tatrabaho sa kagustuhang makatapos sa kanyang pag-aaral, maitaguyod ang kanyang pamilya at mapagtapos sa pag-aaral ang kanyang mga anak. Siya ay nagtatrabaho mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-dos ng hapon at nag-aaral mula alas-tres ng hapon hanggang alas-otso ng gabi sa Megabyte College sa Floridablanca.

Ang kanilang pamilya ay masipag na nagboboluntaryo sa simbahan ng tuwing Sabado at Linggo, kung saan si Julieta ay nagsisilbi bilang Sunday School teacher habang ang kanyang asawa naman ay nagtuturo sa mga kabataan. Aktibo ang buong pamilya sa mga gawain sa simbahan. Bukod sa pagiging aktibo sa simbahan, tumutulong din si Julieta sa mga kapwa nya Aeta sa pag-aayos ng mga Birth Certificates bilang dokumento sa ng mga bata nag-aaral sa Day Care at maging sa pormal na paaralan.

Hindi naging madali ang kanilang buhay noong sila ay nagsimula bilangmag-asawa. Wala silang regular na pinagkukunan ng kanilang ikabubuhay. Naging matiyaga si Rodrigo sa pagtatanim at pagbebenta ng ampalaya at pagtatrabaho bilang isang construction worker at sinikap na tapusin ang kaniyang kurso bilang isang guro. Patuloy silang nagsusumikap para sa kanilang pamilya at upang sila’y tuluyang maka-ahon sa kahirapan. Isa sa mga patunay lamang ang napatayong bahay ng mag-asawa.

Gayundin, malaking tulong sa pamilya ang pagiging benepisyaryo ng Pantawid Pamilya na laging tumutugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak sa pag-aaral at kalusugan. Bihira sa mga katutubong Aeta ang nakakapag-tapos sa kolehiyo. Sana marami pang pamilya ang kagaya nila na patuloy nangangarap at handang magsumikap upang makamtan ang ninanais na progreso hindi lamang sa indibidwal na pamilya kundi sa buong komunidad kung saan sila nabibilang.