Dati, sa makalumang paraan ng pagkilala, matatawag lamang na bayani ang isang tao kapag pinanganak s’yang “noble” o marangal, o ‘di kaya’y dapat namatay muna s’ya para sa bayan. Ngunit, sa paglipas ng panahon, kasabay nitong nag-e-evolve ang depinisyon ng mga salita.

Ngayo’y kinikilala na ang isang bayani base sa kanyang bisyon at mga ginagawang aksyon para sa bayan—kinikilala s’ya bilang maaibilidad na mamamayang may yakag at integridad—s’ya ay nagsisilbing inspirasyon ng nakararami upang isulong ang mga hakbang tungo sa pagpapaunlad ng sarili at bayan.

Ang mga katangiang ito’y buhay na buhay sa ating 577,358 Community Volunteers ng DSWD Kalahi-CIDSS sa buong Pilipinas, at 2,026 Community Volunteers sa Region 3.

Sa pagtutulungan ng programa at ng mga Community Volunteers, ang mga bagong buhay na bayani, sa loob lamang ng limang (5) na taon, ay mayroon ng 71 Sub-projects na napondohan ng DSWD kalahi-CIDSS katuwang ang partner LGUs. 65 dito ay napapakinabangan na ng 3 munisipyo ng Nueva Ecija; ang General Mamerto Natividad, Quezon, at Talugtug at 65 dito ay pormal ng nai-turn over sa mga komunidad o barangay.

Hindi magiging posibleng ang matagumpay na implementasyon ng Kalahi CIDSS kung hindi sa tulong ng ating masisigasig na Community Volunteers, kaya naman tunay ngang kayo ang mga bagong buhay na bayani.

Higit sa mga nalatag at naisakatuparang mga sub-projects ay masasabing naabot na ng DSWD Kalahi-CIDSS ang tunay n’yang gampanin, ‘yun ay ang palakasin ang taumbayan sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na maging kabahagi sa pagsasakatuparan ng mga proyektong makakatulong sa pagresolba ng mga suliraning nararanasan ng kanilang komunidad. 

Kaya bilang pagtatapos ng programa ngayong taon ay magdaraos ng Community-Driven Development o CDD Congress upang balikan ang mga naging karanasan ng mga partner stakeholders sa pagiimplement ng programa sa kanilang komunidad. Layunin din nito na bigyang pagkilala hindi lamang ang mga partner stakeholders kundi maging ang mga staff, na may malaking ambag din sa programa.

Mahigit 200 community volunteers mula sa Talugtug, Quezon at Gen. Mamerto, Nueva Ecija at mga partner local government units (LGUs) ang inaasahang dadalo sa Community-Driven Development Congress sa August 23, 2019 sa Angeles City, Pampanga.

Ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services National Community – Driven Development Program (KALAHI CIDSS – NCDDP) ay isang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tumutugon sa mga pangangailangan ng mahihirap na komunidad sa pamamagitan ng bayanihan.

Gumagamit ito ng pamamaraang community-driven development (CDD) kung saan ang mga residente o community volunteers (CVs) ang mismong tumutukoy sa mga pangangailangan ng komunidad at aktibong lumalahok upang mapahusay pa ang lokal na pamahahala. Sila rin ang pumipili at magpapatupad ng mga akmang solusyon dito. 

Ito ay nagsimula sa Region 3 noong 2014 at inaasahang magtatapos ngayong taon. Ngunit dahil sa magandang epekto nito sa mga tao sa komunidad. Kasalukuyang isinusulong ang pagsasabatas ng prosesong ginagamit nito.

###


image_pdfimage_print