Bakit nga ba napakadaling mangmaliit ng kapwa? “Wala kang mararating.” Ito ang madalas na marinig ni Josefina A. Santos mula sa mga taong nagdududa sa kanyang kakayahan. 

 

Nagmula si Josefina sa isang simpleng pamilya kung saan ay tanging ang kanyang ina lamang ang nagtataguyod para sa kanilang mga pangangailang pang-araw-araw. Ngunit sa kabila ng kakulangan sa buhay, hindi nito napigilan ang kanyang pangarap — ang maging isang Licensed Professional Teacher (LPT). 

 

Hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. Bilang isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), dala niya ang mabigat ngunit marangal na responsibilidad na tumulong sa kanyang magulang at mga kapatid. Sa pagiging pangalawang sa kanilang pamilya na nakapagtapos ng kolehiyo, nagsilbi siyang inspirasyon at modelo ng pag-asa ng pamilya.

 

Ngayon bilang isang guro ng ika-pitong baitang (Grade 7), isinasabuhay ni Josefina ang kanyang propesyon hindi lamang bilang trabaho kundi bilang misyon. Misyon na hubugin ang isipan at puso ng mga kabataan. Hindi lang siya nagtuturo ng leksyon sa silid-aralan, ibinabahagi rin niya ang sarili niyang kwento ng pagpupursige sa kanyang mga estudyante. Layunin niyang patunayan sa kanila na ang kahirapan ay hindi hadlang upang makamit ang tagumpay sa buhay.

 

Sa kanyang mga estudyante, paulit-ulit niyang sinasabi na, “Huwag kayong matakot na mangarap. Kahit mahirap, kahit maraming humahadlang, ang pangarap ay posibleng makamit sa tamang tiyaga at pananalig sa Diyos.”

 

Ginamit ni Josefina ang bawat pangungutya at pagdududa ng ibang tao bilang kanyang lakas. Ang mga salitang “wala kang mararating” ay ginawa niyang hamon. Hindi siya sumuko at ngayon, narito siya, hawak ang panulat, nagtuturo ng pag-asa, at nagbibigay ng liwanag at inspirasyon sa mga kabataan na katulad din niya na minsan ay nangarap sa buhay.

 

Sa kanyang buhay, tunay ngang nagbago ang lahat — hindi lamang ang estado niya sa lipunan kundi ang pananaw at direksyon ng kanyang buong pamilya. Dahil sa kanyang kwento, napagtanto nating ang pagbabago ay hindi lang para sa sarili, kundi para rin sa komunidad na ating pinaglilingkuran. ##