“Hindi ko pinili kung saan ako isinilang. Pero pinili kong magpatuloy at mangarap—kahit sa lugar na salat sa liwanag, sa mga gabing puno ng takot at pangamba, isang bagay ang naging ilaw sa madilim naming kalsada: ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).”

 

Ako si Nalissa Nicole T. Bustillos labing-pitong taong gulang, panganay sa tatlong anak nina G. Vernal V. Bustillos at Gng. Melissa T. Bustillos. Ang aking mga kapatid ay may edad 13 at 8, at ako ay maswerteng nakapagtapos ng Senior High School sa isang pampublikong paaralan bilang top 2 overall at May Mataas na Karangalan (With High Honors). Ngunit sa bawat kalansing ng medalya at sertipiko, sa likod nito ay pagod, iyak at sakripisyo ang binuhos ko kasama ang aking pamilya. 

 

Lumaki ako sa isang simpleng pamilyang puno ng pagmamahal. Walang regular na hanapbuhay ang aking mga magulang. Si Papa isang magsasakang kayod-kalabaw, bago pa sumikat ang araw, naririnig ko na ang ingay ng kuliglig niya, dala ang araro’t pag-asa sa gitna ng init, ulan, at pagkalugi. Si Mama naman, tahimik na mandirigma sa tahanan, mayroong maliit na tindahan, maliit man ang kita, sapat na para makaraos din. Habang ako ay nagkakaroon ng sapat na pag-iisip at pag-unawa ay nararamdaman ko ang hirap at pagsisikap nila upang itaguyod ang pangangailanngan namin sa araw araw.

 

Hindi naging maluho ang aming buhay. Sa hapag naming magkakapatid, de lata, itlog, gulay, at kung minsan, nilagang saging at kamote na ang almusal pero wala man kaming baong pera sa eskwela may baon naman kaming pangarap. Habang ang iba’y nagrereklamo sa dami ng takdang-aralin, kami’y tahimik na nagpapasalamat dahil ang ibig sabihin noon nandito pa kami, nag-aaral, at kinakaya pa kaming pag-aralin.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang naging tulay sa maraming pagkakataon. Sa tulong nito, naipagpatuloy ko ang aking pag-aaral at napunan ang mga bayarin sa paaralan at gastusin sa mga proyekto. Sa kabila ng kakulangan, wala akong paligsahang nilampasan, palaging nakasuporta sa akin ang aking mga magulang at pilit na tinutugunan ang aming pangangailangan. mula sa mga akademikong patimpalak hanggang sa aking spoken poetry, sayaw, at pagsulat.  

 

Naging student leader at officer sa Supreme Secondary Learners Government (SSLG) ako sa loob ng dalawang taon na naging bahagi ng kaayusan at kalinisan ng aming paaralan. Aktibong mamamahayag sa loob ng tatlong taon sa aming pahayagan at nakikipag tagisan sa galing sa pagsulat sa iba’t ibang paaralan dito sa Aurora. Sa katunayan, nakapag-uwi ako ng karangalan bilang 2nd Placer sa School Press – Conference at naging head ako ng aming pahayagan. Dito hinubog ang aking pagkatao at palagi kong dadalhin ang aking panata na maging boses ng mga taong inaapi sa ating lipunan.

 

Hindi naging madali ang aming paglalakbay, may mga gabing umiiyak si Mama, iniisip kung saan kukunin ang pambayad ng utang o panggastos kinabukasan – ramdam ko ang bigat. Pero sa bawat buwang dumadating ang ayuda ng 4Ps, mas gumagaan ang aming pakiramdam. Ang programang ito ang nagsilbing ilaw sa madilim naming kalagayan, at daan para makita ko ang liwanag at patuloy pang mangarap.

 

Ngayon, kabado ako para sa aking magiging buhay sa kolehiyo. Kaya ba nila mama at papa? Alam kong malayo pa ang tatahakin ko. Mas maraming gastusin at mas matinding hamon ang nag hihintay pero buo ang loob ko, anumang pagsubok ang dumating, pangako, magtatapos ako. Alam kong hindi ako nag-iisa. Alam kong kasama ko ang aking pamilya sa paglalakbay na ito at ang ating gobyernong palaging kaagapay sa paglalakbay. Mga programang pinapahalagahan ang kapakanan ng mga batang tulad kong may pangarap at patuloy na nagsisikap.

Ako si Nalissa Nicole T. Bustillos, anak ng 4Ps, produkto ng sakripisyo, hinubog at pinanday ng pangarap. Hindi perpekto ang pinanggalingan ko, pero pinili kong magpatuloy at maniwala na kahit galing sa lugar na walang kasiguraduhan, maaaring may kinabukasang hinuhubog ng tapang, pananampalataya, at tiyaga. #