Ako si Leonila Dela Cruz Santos ng Barangay Tagumpay, Gabaldon, Nueva Ecija, simpleng may bahay ni Carlos Rafael Santos at ina ng walong anak. Dala marahil ng maagang pag-aasawa at pagiging magulang, nagsimula kaming mag-asawa sa hirap at kawalan. Pinagyaman ang munting kubo na pinagkaloob sa amin at siyang nagsilbing tahanan sa gitna ng parang. At doon, nag-umpisa akong mangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa kung saan palalakihin ko at aalagaan ang aking mga anak.
Napakahirap ng buhay namin noon, araw-araw akong lumulusong sa bukid para kumita ng pera na siyang pambaon ng aking mga anak sa eskwelahan. Nakikipagtanim at nakikigapas ako ng palay at nagkakarpintero naman ang aking asawa. Subalit talagang kulang pa rin upang tustusan ang lahat ng gastusin ng aming mga anak. Ayoko naman na matulad sa amin ang aming mga anak na hindi nakapag- tapos ng pag-aaral at lalaki silang ang hanap buhay ay pakikigapas at pakikipagtanim ng palay sa bukid. Lagi kong ipinangangaral sa aking mga anak ang dulot ng pagsususmikap sa pag-aaral.
Hindi naging hadlang ang kahirapan sa kagustuhan kong makatapos ng pag-aaral ang aking mga anak at ito ang palagi kong dasal. Taong 2007, nakapagtapos ng sekondarya ang aking anak na panganay. Subalit nag-abot ulit ang dalawa ko pang anak sa sekondarya, kaya kinausap ko ang pangatlo kong anak na huminto muna siya sa pag-aaral upang makatapos ang mas matanda n’yang kapatid. Nalungkot ako sa desisyon na iyon lalo na nang makita kong pumatak ang mga luha n’ya. Isa siyang matalinong bata, lagi siyang top 1 sa kanilang klase kaya ng malaman ito ng isa naming kamag-anak kinausap n’ya ako at nagmungkahi na siya ang magpapa-aral sa aking anak at doon na rin siya titira habang siya ay nag-aaral.
Masakit man na malayo sa aking anak ay pumayag ako upang maipagpatuloy niya ang pag aaral. Samantala ang aking panganay naman noon ay namasukan bilang kasambahay na kung saan nakita ko ang kanyang hirap at sakripisyo para sa aming pamilya. Karaniwan sa kanyang kinikita noon ay napupunta na sa pambaon at gastusin ng kanyang mga kapatid sa eskwelahan. Kaya’t nang taong 2008 ay lakas loob akong nagdesisyon na pag-aralin siya sa kolehiyo. Nagpapasalamat ako dahil nakakuha din siya ng scholarship sa isang kongresista. Kasabay nang panahon na iyon ay kinuha ko na ang isa kong anak sa aming kamag-anak na nagpapaaral sa kanya upang kami na ang magpaaral. Nang panahong ‘yon may isa akong anak na nasa kolehiyo, dalawa ang sekondarya at dalawa ang nasa elementarya. Araw-araw akong nagdarasal sa Diyos na bigyan Niya ako ng sapat na lakas ng loob at malakas na katawan upang mapagtagumpayan na mapagtapos ko ang aking mga anak.
Sa kasagsagan ng pagsubok sa aking pamilya ay dumating ang DSWD sa aming buhay dala ang programang Pantawid Pamilyang Pilipino. Walang halong pagkahiya ay ipinagmalaki ko ang “bilang” ng aking mga anak at lahat sila ay nagsisispag-aral. Para sa akin, isang malaking biyaya ang pagkakasali ng aking pamilya sa programa ng gobyerno. Simula noon ay regular na akong nakakatanggap ng tulong pinansyal na s’yang ginagamit ko sa mga gastusin ng aking mga anak sa paaralan. Nakakapag-ipon pa ako ng pera para masustentuhan ang aking anak na nasa kolehiyo at natutustusan ilalaan ko na ang mga gastusin ng aking anak na nasa elementarya at sekondarya.
Lumipas ang ilang taon at nakatapos ang aking anak na panganay sa kolehiyo. Sa ilang buwan na paghihintay na resulta ng board exam, sumubok na pumasok ng trabaho sa pabrika at ang kinita n’ya ay ipinandagdag ko sa pang tustos sa mga mas nakababata n’yang mga kapatid sa pag-aaral. Ilang buwan pa ang lumipas, siya ay naging ganap na guro at ngayon ay permanent teacher na Macabaclay High School sa bayan ng Bongabon. Nitong nakaraang taon din ay nagtapos ang isa ko pang anak sa kolehiyo sa kursong Accountancy. Ang isa ko pang anak ay nakasama sa Expanded Students Grant-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) at ngayon ay 2nd year na sa kursong Education sa Central Luzon State University. Sa ngayon, ako po ay isang aktibong Parent Leader sa Pantawid Pamilya at isa ding aktibong Barangay Health Worker.
Ako at aking pamilya ay lubos na nagpapasalamat sa naganap na pababago sa takbo ng aming buhay sa tulong ng Pantawid Pamilya. Nawa ay patuloy kaming gabayan ng Panginoon upang makamit ang aking mga pangarap na maitaguyod ang aking mga anak at ang pangarap din ng aking mga anak na magkaroon ng maayos na buhay sa hinaharap. Patuloy na nagsisikap ang aming pamilya upang maitaguyod ang pangarap ng bawat isa. Sadyang ang patuloy na pag-asa at tibay ng loob ay isang maituturing na puhunan. ###