
“Sigurado, kumpleto at totoo!”
Ito ang tinuran ni Imelda Yumul, Area Coordinator ng Listahanan nang kapanayamin siya sa pamamagitan ng phone patch sa programang Pagbabago Namin, I-Push Pa Natin sa tanong na “Kung paano sinisigurado ang mga datos o impormasyon na kinokolekta ay sigurado, kumpleto at totoo”.
Limang puntos ang nabanggit ni Yumul, una ay sa pamamagitan ng apat o limang araw na pagsasanay ng mga Area Coordinator (AC) at mga Area Supervisor (AS); tinuruan sila ng mga dapat malaman at gawin kapag nasa aktwal na pagkuha ng mga datos sa field; gayun din ang pag-fill-up ng forms o paggamit ng andoid tablet. Pangalawa, dumaan sila sa mga Local Chief Executive (LCE), Local Social Welfare and Development Officer (LSWDO) at mga barangay captains at officials para sa courtesy call at nagbahagi sila ng mga impormasyon tungkol sa Listahanan at ang layunin sa pagsasagawa ng household assessment at ang schedule ng assessment sa bawat barangay na nasasakupan ng isang Listahanan team.
Pangatlo, ang pagsasagawa ng household assessment ng mga Enumerators ay araw-araw na minomonitor ng kanilang mga AS at AC. Ginagawa rin ang spot checking at ito ay ang biglaang pagpunta sa field ng mga AS at AC upang malaman kung tama at naayon ba sa guidelines ang ginagawa ng mga Enumerators. Pang-apat, ang lahat ng mga nakumpletong mga forms ay kinailangang isa-isang tingnan at siyasatin kung kumpleto, sigurado at totoo ang mga datos na nakasulat. Kung mayroong mali o hindi kumpletong datos, kailangang balikan kinabukasan ng Enumerator ang na-interview upang kumpletuhin, at panghuli, ang re-interview ay isinagawa ng AS/AC upang malaman kung ang nakuhang datos ng Enumerator ay tugma sa ginawa ng AS/AC. Tinitingnan din ang pamamaraan ng pag-interview na isinagawa ng Enumerator kung naayon sa guidelines ng National Household Targeting Office (NHTO).
Nakapanayam din sa programa si Raphael Bernabe at naibahagi nya ang kanyang karanasan bilang Area Supervisor ng Listahanan. Ang proyektong Listahanan ay fulfilling, exciting at challenging na trabaho, lalo na yung narating nila ang mga pinakamalalayong bahagi ng bayan, mga kasuluk-sulukan ng barangay at yung mga Geographically Isolated Disadvantaged Areas (GIDAs) na karamihan ng mga katutubo ay duon naninirahan, mga sambahayan na nasa laylayan ng dalampasigan, mga nasa islang bahagi at kabundukan, aniya. Naidagdag pa niya noong panahon ng assessment, may pagkakataon na napagkamalan silang collector ng tubig, kuryente, pautang at kung minsan ay hinahabol pa ng mga aso.
Samantala, nagbigay naman ng update sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program si Evelyn Manalo, Regional Information Officer ng DSWD Field Office III. Ayon kay Manalo, mayroong 55,328 mahihirap na sambahayan ang natukoy noong 2011 at ngayon ay may 50,727 na naging benepisyaro ng Pantawid Pamilya. Sa kabuuan naman ng Rehiyon 3, may 285,064 sambahayan na naging benepisyaryo ng Pantawid mula sa 322,622 naitalang mahihirap noong 2011.
Ang Listahanan ay nagsagawa ng Validation Phase noong Oktubre 2015 hanggang Pebrero 2016 upang magbigay ng pagkakataong makuha o mabigyan ng kasagutan ang mga reklamo ng mga hindi napabilang sa listahanan o mga sambahayan na sinasabing hindi karapat-dapat mapabilang dito. Ito ang mga ginawan ng resolusyon ng Local Verification Committee na pinamumunuan ngmga LCE at LSWDO.
Ang programang Pagbabago Namin, I-push pa natin ay lingguhang programa ng DSWD tuwing Sabado mula ikalabing-isa ng umaga hanggang ikalabing-dalawa ng tanghali sa DZRH 666 AM sa pangunguna ng Kalihim ng Kagawaran na si Corazon Juliano-Soliman at ng host na si Karen Ow-Yong. Naging pangunahing panauhin naman si Euberto Gregorio ng Information Management Bureau (IMB) ng DSWD. Nakapanayam din sa pamamagitan ng phone patch ang DSWD FO XI. ### (FT Sanga, Jr.)