Isang makasaysayang tagumpay sa pagsusulong ng Community-Driven Development (CDD) ang ipinagdiwang sa munisipyo ng San Manuel at Ramos, Tarlac sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 – Central Luzon sa pamamagitan ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS).

Pinangunahan ng DSWD, sa pamumuno ni Secretary Rex T. Gatchalian, ang opisyal na turnover ng tatlong mahahalagang sub-projects na nagkakahalaga ng mahigit ₱7 milyon:

  • Construction of Multi-Purpose Building sa Barangay Pacpaco, San Manuel, na may kabuuang halaga na ₱5,017,850.00.
  • Construction of 1 unit Day Care Centersa Barangay Guiteb, Ramos, na may kabuuang halaga na ₱1,335,330.00.
  • Extension of Distribution of Pipeline for Water Supply Systemsa Barangay Guiteb, Ramos, na may kabuuang halaga na ₱679,523.75.

Dinaluhan ang turnover ceremony ng mga opisyal ng DSWD, kabilang sina Assistant Secretary Florentino Y. Loyola Jr., KALAHI National Program Manager Atty. Bernadette A. Mapue-Joaquin, at Assistant Regional Director for Operations ng Field Office 3 – Central Luzon Armont C. Pecina. Dumalo rin si Mayor Doña Cresencia R. Tesoro ng San Manuel, Mayor Celso L. Banag ng Ramos, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan. Nakiisa rin si Senador Maria Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos-Manotoc, na nanguna sa ribbon-cutting at opisyal na turnover ng mga proyekto.

Ibinida rin sa programa ang mga makabuluhang kwento ng sakripisyo at dedikasyon ng community volunteers na naging pangunahing katuwang sa tagumpay ng mga proyektong ito. Ang kanilang pagtitiyaga at pagkakaisa ay sumasalamin sa layunin ng CDD strategy, na nagbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan na tukuyin at solusyonan ang kanilang mga pangangailangan.

Naniniwala ako sa Community Driven Development strategy. Tao ang nakararanas ng problema tao din ang makakapagsabi kung ano kailangan at kung saan dapat ilagay ang pondo. Ganito ang [KALAHI-CIDSS]. Layon nitong bigyan ng boses ang bawat sektor mula sa planning, budgeting, at implementation. Kaya po pagsikapan nating maiangat ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino, one KALAHI-CIDSS at a time. Maraming salamat po”, mensahe ni Mayor Tesoro.

Ang pangunahing layunin ng KALAHI-CIDSS, ay mapataas ang kalidad ng serbisyong publiko at mabigyan ng mas malawak na partisipasyon ang mga mamamayan sa mga proseso ng pagdedesisyon, pagpaplano, pagbabadget, at implementasyon ng mga programang direktang tumutugon sa kanilang pangunahing pangangailangan, partikular sa mga komunidad na higit na nangangailangan.

####