Sa kabila ng kahirapan, nanatiling matatag ang mag-asawang Efren 40, at Rhemariane, 36 ng Barangay Sta. Ines West, Sta. Ignacia, Tarlac. Biniyayaan ng apat na anak na may edad 17, 15, 16, 14 at 11 at lahat ay nag-aaral.
Ani Rhemariane, “Sa tulong ng ating Panginoon ay nananatili kaming matatag at nagsisikap na maitaguyod ang aming mga anak at mabigyan sila ng magandang kinabukasan.”

Ang sabi ni Sherwin Lozano, Municipal Link, “Labis ang paghanga ko kay Rhemariane sa pagpapamalas nya ng pagigiging mabuting leader ng Pantawid. Napaka-active nya sa mga Family Development Sessions at marami syang naibabahaging magandang opinion at karanasan na isinasabuhay nya. Makikita mo ito sa magandang relasyon nya sa kanyang asawa at mga anak.”

Nagsimulang gumanda ang buhay nila mula nang mapabilang sila sa Pantawid Pamilya. Hindi na nila problema ang mga gastusin ng mga anak sa school. Nagtapos ng salutatorian ang panganay na anak na si Elmer Reiner (17) at nasa unang taon na sya kolehiyo at iskolar sya ng Expanded Students Grants Program for Poverty Alleviation (ESGPPA). Nasa top 10 naman ang bunsong anak na si Razel Edison (11) na talagang nagsisikap mag-aral na kahit lampara lamang ang ginagamit ay hindi nakikitaan ng pagkabagot sa pagbabasa.

“Dahil na rin siguro sa magandang estado namin sa komunidad ay natanggap ang asawa ko bilang utility worker sa DSWD Home for Girls at kahit hindi kalakihan ang sweldo ay malaking tulong na rin ito sa amin,” ang tinuran ni Rhemariane.

Laking tuwa ng pamilya Antonio nang sila ay nahirang na 2nd runner-up ng Regional Search for Huwarang Pantawid Pamilya 2015. “Bonus na lang po ito sa aming pamilya at ito ay magsisilbing inspirasyon sa amin upang lalo pang magsikap sa aming buhay,” sabi pa ni Rhemariane.

Sa tulong ng Pantawid lalo na ang Family Development Session ay nabuksan ang aking isipan at magsimulang mangarap na kailangang makapagtapos sa pag-aaral ang aking mga anak. Nasa kolehiyo na ang dalawa kong anak ngayon at ang aming panganay ay iskolar ng ESGP-PA (Expanded Students Grants Program for Poverty Alleviation). Dati ay nahihirapan kami sa pagtustos sa pag-aaral nila ngunit nang dumating ang Pantawid ay nabigyan kami ng kaganaan at pag-asa na mabago ang aming buhay. Kaya namin ang pagbabago!” ang pagmamalaking sinambit ni Rhemariane. ###