Cabangan, Zambales – Sa ilalim ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), matagumpay na naipasa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 – Central Luzon ang sub-project na may kabuuang halaga na mahigit ₱900,000.

Kabilang ang Construction of Level II Water System ng Barangay Dolores sa 45 sub-projects sa 22 barangay ng Cabangan, Zambales.

Mahigit 90 households ng Sitio Tangos, Brgy. Dolores ang makikinabang sa naturang proyekto ng programa.

Pinangunahan ni DSWD Regional Director Venus F. Rebuldela sa pamamagitan ni DC Susan S. Hernandez, OIC – Division Chief ng Promotive Services Division kasama ang iba pang kawani ng KALAHI-CIDSS, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Cabangan sa pangunguna ni Mayor Ronaldo F. Apostol na dinaluhan ni Sec. Manulito C. Donatos. Dumalo rin ang mga opisyal ng munisipyo, kapitan ng barangay, at mga community volunteers.

Kabilang sa aktibidad ay ang ribbon cutting at opisyal na turnover ng mga sub-projects, kasabay ng pagbabahagi ng mga karanasan ng mga community volunteers at lider ng barangay na naging bahagi ng implementasyon ng mga proyekto.

Nagbigay din ng mensahe at pasasalamat si Mayor Apostol sa pamamagitan ni LCE Secretary Donatos, “Hulog ng Langit ang KALAHI sa munisipyo ng Cabangan, Zambales lalo na marami ng nakikinabang sa ating proyekto. Sana po ipagmalaki natin at pangalagaan ang mga naging proyekto ng KALAHI-CIDSS. Maraming salamat po sainyo lalo na sa team ng KALAHI.”

Ang pangunahing layunin ng KALAHI-CIDSS, ay mapataas ang kalidad ng serbisyong publiko at mabigyan ng mas malawak na partisipasyon ang mga mamamayan sa mga proseso ng pagdedesisyon, pagpaplano, pagbabadget, at implementasyon ng mga programang direktang tumutugon sa kanilang pangunahing pangangailangan, partikular sa mga komunidad na higit na nangangailangan.