Sa kauna-unahang pagkakataon, isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 – Central Luzon sa pamamagitan ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ang Municipal Orientation at MOA Signing para sa ikatlong yugto ng implementasyon ng Community-Driven Development (CDD) sa bayan ng Talugtug, Nueva Ecija.
Layunin ng pagtitipon na ipalaganap ang mga mahahalagang proseso ng CDD na aakma sa mga proyektong pangkaunlaran ng LGU.
Tinatayang higit sa ₱5 milyon ang ilalaan ng munisipyo para sa pagppapagawa ng mga farm-to-market road sa anim na barangay ng Talugtug, na magpapadali sa transportasyon ng mga produkto mula sa sakahan patungo sa merkado.
Sa pangunguna ni DSWD Field Office 3 Regional Director Venus F. Rebuldela, dinaluhan ito ni KALAHI Regional Program Coordinator Aladin L. Naje. Kasama rin sa pagtitipon ang Hon. Pacifico B. Monta, mayor ng Talugtug, pati na ang mga opisyal ng munisipyo at 21 barangay.
Binigyang-diin sa nasabing pagtitipon ang pagpapaliwanag ng proseso ng phase 3 ng programa at ang mga nilalaman ng kasunduang Memorandum of Agreement (MOA) upang masiguro ang malinaw at maayos na implementasyon ng proyekto. Para sa yugtong ito, 100% ng pondong kinakailangan ay magmumula sa lokal na pamahalaan ng Talugtug.
Ilan sa mga proseso ng CDD na iaangkop ng LGU ay ang paghahanda ng badyet, awtorisasyon ng badyet, pagsusuri, pagsasagawa, pag-uulat ng accountability, at SET (Sustainable Empowerment Tools). Ang mga prosesong ito ay idinisenyo upang tiyakin ang isang transparent at makatarungang pagpapatupad ng proyekto, na magiging huwaran sa buong komunidad.
Ayon kay KALAHI Regional Program Coordinator Aladin L. Naje, malaki ang magiging papel ng Phase 3 sa pagpapalaganap ng CDD bilang isang mahalagang proseso sa lokal na pag-unlad, “The impact of phase 3 is towards the CDD institutionalization in the LGU local development process. The LGU will showcase their selected CDD process and provide allocations to the imp. of sub project from their own budget hoping that they will deeply realize and appreciate the CDD process thereby gearing towards its adoption through passage of local CDD ordinance.”
Ang DSWD, sa ilalim ng Phase 3, ay magbibigay ng patuloy na teknikal na suporta sa mga LGU sa pagpapatupad ng CDD. Kabilang dito ang masusing pagsubaybay sa pagsunod ng LGU sa mga itinakdang proseso at dokumentasyon ng mga matagumpay na praktika ng komunidad. Layunin ng mga hakbang na ito na magsilbing gabay at inspirasyon upang mas mapalawig pa ang mga kaalaman at kasanayan ng bawat komunidad sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan para sa pangmatagalang pag-unlad.