Naisakatuparan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 – Gitnang Luzon sa pamamagitan ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), ang groundbreaking ceremony para sa Construction ng Two-Story Child Development Centers na nagkakahalaga ng ₱10 milyon sa Olongapo, Zambales.

Sa ngalan ni DSWD Field Office 3 Regional Director Venus F. Rebuldela, dinaluhan ito ni Community Procurement Officer III Katrina Karen D. Sarmiento at ang ibang kawani ng ahensya. Katuwang sa programa ang pamahalaan ng Olongapo City, sa pangunguna ni Mayor Rolen C. Paulino Jr. kasama ang mga department heads ng lungsod at ang masisipag na mga community volunteers.

Layunin ng programang KALAHI-CIDSS hindi lamang ang pagpapatupad ng mga proyektong imprastraktura, kundi ang pagbibigay-pugay sa mahahalagang ambag ng mga community volunteers. Sila ang nagsisilbing katuwang ng mga barangay at munisipyo upang maisakatuparan ang mga proyekto nang mabilis at epektibo.

Sa kaniyang mensahe sa mga residente, binigyang-diin ni Mayor Paulino ang kahalagahan ng pagtutulungan: “Ang programang KALAHI-CIDSS ng DSWD, kasama ang mga opisyal ng barangay at mga community volunteers, ay nangangailangan ng aktibong pakikilahok ng lahat. Kailangan nating magtulungan para mabilis na matapos ang proyekto at mapakinabangan agad ng komunidad.”

Inaasahang masisimulan agad ang konstruksyon ng Child Development Centers at nakatakdang makumpleto sa buwan ng Disyembre. Kapag natapos, magdudulot ito ng malaking benepisyo sa mga lokal na komunidad, lalo na sa pagpapalawak ng mga serbisyong pang-edukasyon at pang-kaunlaran para sa kabataan.

####