Cabanatuan City – Kasalukuyang isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 ang malawakang programang Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat, kasabay ng proyektong Ayuda Para sa Kapos Ang Kita Payout.

Ang mga programang ito ay inilunsad bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, na naglalayong magbigay ng agarang tulong sa ating mga kababayan na lubos na nangangailangan. Ito ay nagsisilbing tugon ng pamahalaan upang mabigyan ng konkretong suporta ang mga mamamayang kapos ang kita.

Sa pangunguna ni DSWD Secretary Rex T. Gatchalian, ito ay dinaluhan ni Undersecretary for Operations Group, USec Pinky Romualdez, Assistant Regional Director for Operations Field Office 3 Armont C. Pecina, at Division Chief ng Protective Services Division Field Office 3 na si Priscila C. Tiopengco.

Mahigit P4,650,000 ang naipamahagi sa mahigit 932 benepisyaryo mula sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Ang tulong pinansyal na ito ay malaking ginhawa para sa mga pamilyang nasa “near poor” segment, na pinoprotektahan ng DSWD mula sa posibilidad ng pagkakalugmok sa kahirapan.

“Maraming salamat po sa inyong pakikiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ng ating mahal na Pangulong Marcos,” pahayag ng pasasalamat ni USec Pinky Romualdez sa mga dumalo.

 

Layunin ng mga programa ng DSWD na patuloy na suportahan ang mga nangangailangan at tiyaking walang Pilipinong maiiwan, lalo na sa gitna ng mga hamon ng pang-araw-araw na pamumuhay.

####