“Kung hindi ko lalakasan ang loob ko, baka patay na ako ngayon.”

 

Ito ang mga katagang binitawan ni Violeta G. Yandoc, 74 taong gulang, nakatira sa Bulaon, City of San Fernando, Pampanga. Isa siyang benepisyaryo ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens na nakatanggap ng Php 6,000.00 sa ginanap na payout nitong Mayo.

 

Laking Tondo, Maynila at doon na rin nagsimulang bumuo ng pamilya kasama ang dati niyang asawa. Dati’y nagtatrabaho silang mag-asawa sa US Base sa Fort Bonifacio sa Taguig City. Ang asawa niya ay permanente na sa trabaho habang siya ay casual pa lamang.

 

Umalis din sila sa kanilang pinagtatrabahuhan at dahil sa hindi pagkakaunawaan ay naghiwalay rin sila ng kanyang asawa at kalaunan ay maaga rin siyang nabyuda. Sa pagkamatay ng kanyang asawa ay naiwan sa kanya ang 12 nilang mga anak; anim (6) na lalaki at anim (6) na babae. Mag-isa niyang itinaguyod ang kanilang pamilya. Naransan nila ang tanging ulam ay mga nakuha niyang talbos ng kamote.

 

Iba’t-ibang mga pinagkakakitaan ang pinasok ni Violeta upang may maipakain sa kanyang mga anak. Hanggang sa napabilang sila sa mga nabigyan ng bahay sa resettlement area ng Bulaon sa Lungsod ng San Fernando sa Pampanga.

 

Sa ngayon, bumukod na ng tirahan ang siyam (9) niyang mga anak habang ang tatlo (3) kasama ang mga pamilya nito ang naiwang kasama niya sa bahay. Kanya-kanya silang gumagastos para sa pagkain, kuryente, at tubig kaya kahit na senior citizen na ay hindi pa rin tumitigil sa pagtatrabaho si Violeta.

 

Para sa kanya ay napakalaking tulong na siya ay napabilang sa Social Pension for Indigent Senior Citizens  lalo na ngayong dumoble ang halaga ng buwanang pensyon upang pandagdag pantustos. Sa ngayon, patuloy pa rin siyang nangangalakal at tumatanggap ng mga kliyente na nagpapamasahe. Ayon sa kanya, “Laking Tondo ako kaya kung hindi ko lalakasan ang loob ko, baka patay na ako ngayon.”

 

Bagama’t hirap pa rin sa buhay, dahil sa kanyang angking tapang at pagiging positibo ay patuloy na lumalaban si Violeta sa buhay.

##