Hindi namin ikahihiya ang ganitong hanapbuhay. Nasa silong man kami ng sikat ng araw at patak ng ulan, laging may putik ang makakapal naming palad, amoy pawis araw-araw. Subalit ikararangal namin ito, dahil ito ang nagsisilbing hagdan namin upang akyatin ang tagumpay.
Ako si Liza B. Domingo, 37 taong gulang, asawa ni Cipriano C. Domingo 47, taong gulang. Sa loob ng 18 taon naming pagsasama kami ay nagkaroon ng 3 anak. Dati kaming naninirahan sa Laur, Nueva Ecija. Pagtatanim ng gulay na din ang hanapbuhay namin doon. Taong 2011 nang kami ay nagsimulang manirahan sa Sitio Banahaw, Barangay Dibaraybay, Dinalungan, Aurora, sa isang lupang sakahan na pag aari ng isa naming kamag anak. Dito na namin ipinagpatuloy ang pagsasaka. Palay ang sinasaka namin noong una. Subalit nabaon kami sa utang dahil sa sobrang taas ng presyo ng mga pestisidyo at mura naman ang halaga ng palay. Lumalaki ang aming mga anak at lumalaki din ang aming gastusin. Dahil dito, ay nagpasya kaming mag asawa itigil ang pagtatanim ng palay.
Taong 2019, nagsimula kami sa paggugulayan. Talong ang una naming itinanim. Umutang kami ng pera sa halagang sampung libong piso (10,000.00) upang maging puhunan. .Sa unang ani ay maganda naman ang aming kita. Nadagdagan ang aming mga tanim ng iba pang uri gulay tulad ng ampalaya, sitaw, okra, petsay, mustasa, sili at upo. May ilan-ilang gulay din sa aming paligid tulad ng saluyot, pako sa gilid ng sapa, alugbati malunggay, gabi at iba pa. May mga tanim din kaming mga saging sinubukan din naming gumamit ng organikong pataba subalit kailangang maghintay ng mahabang panahon bago anihin. Kaya ang ginawa namin ay paghaluin na lang ang organic at synthetic na pataba.
Dahil ang aming mga anak ay natuto na din sa gawaing bukid kung kayat kami na din ang gumagawa dito upang makabawas na din sa gastusin. Ang aking asawa ang nagbubungkal ng lupa, ang aming mga anak ay tumutulong din sa paggagamas, pagtatanim, pagdidilig at pag aani. Hindi naman kasi kumikita araw-araw dito. Kaya ang matitipid namin ay gagamitin na lang na aming mga anak sa kanilang pag-aaral. Lalo pa at sobrang taas ng presyo ng bilihin ngayon. Umuupa naman minsan kung kinakailangan. Kaming mag aasawa na din ang nagtitinda ng aming mga ani at umaabot kami sa ibang bayan. Unti-unti nakakabayad kami sa mga utang. Subalit isang pangyayari ang hindi inaasahan. Dumating ang COVID 19. Ang pandemyang muling nagpabagsak sa aming ikinabubuhay. Maraming nasayang na produkto dahil naging limitado ang paglabas ng aming ani dahil sa lockdown. Maraming nasira. Hanggang sa ipamigay nalang namin ang iba. Nawala uli ang puhunan namin. Muli ay pinaghinaan kami ng loob at nandoon din ang panghihinayang. Subalit salamat dahil hindi namin naging problema ang pagkain dahil may sarili kaming gulayan. Nalugi man kami ay hindi naman nagutom ang aming pamilya dahil my libre kaming pagkain.
May mga ayuda din kaming natatanggap mula sa ating gobyerno. Nabigyan din kami ng Tulong Puhunan ng DA sa halagang 25,000.00. Muli, ito ang aming naging puhunan. Habang nagiging maayos at lumuluwag na uli ang COVID 19 protocols, nagsimula uli kami sa pagtatanim. Dito ay unti-unti kaming nakakabawi sa pagkalugi. Pumupunta na sa bukid ang mga buyer at ang sobra naman ay dinadala na namin sa Cabanatuan.
Kasabay ng aming paggugulayan, nag-aalaga rin kami ng mga hayop tulad ng bibe at manok. Ito rin ang nagsilbing tulong sa amin noong panahon na wala na kaming kita sa gulayan. Nagkaroon din kami ng alagang baka at baboy ngunit naibenta namin ito dahil sa pagkakasakit naming mag asawa at isa naming anak.
Upang higit na mapalawak ang aming kaalaman, dumalo din kaming mag asawa sa ibat-ibang trainings at seminar tulad ng Farmers Field School on Vegetable Production, Organic Agriculture Urban Gardening and Edible Landscaping 2020, at iba pa. Board of Director din ang aking asawa sa Sitio Parang Vegetables Growers Association at Pangulo naman sa Patubig-Bial Talaytay Irrigators Association.
Taong 2020, isa ang aming gulayan sa napili upang maging entry sa Search for Organic Agriculture Urban Gardening and Edible Landscaping 2020. Subalit hindi na ito naipagpatuloy dahil na rin sa pandemya. Nasayang ang aming paghahanda at pagod. Taong 2022, nagkaroon ng Demo ang Department of Agriculture sa pagtatanim ng sibuyas, at muli isa ang aming bukirin sa walong napili dito sa Bayan ng Dinalungan Aurora upang pagtaniman ng nasabing produkto. Sa kabutihang palad, malaki ang aming kita dito. Sulit ang pagod dahil sa DA lahat galing ang pananim at pataba. Naging matagumpay ang ginawang pagtatanim ng sibuyas dito sa atin at muli itong isasagawa ngayong darating na Nobyembre 2023.
Ang ganitong uri ng kabuhayan ay hindi naging madali para sa aming mag asawa. Mainit ang sikat ng araw at maari ring maulanan. Kailangan pag-aralan ang lupa at kailangang alamin ano ang mga dapat gawin upang maging malusog ang mga tanim upang mamunga ito ng sagana. Kailangan ang malaking halaga upang maging puhunan lalo na kung ito ang pagmumulan ng income para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Sipag at tiyaga ang puhunan. Mula sa bahay na sako ang dingding ay unti-unti namin itong naipaayos bagamat maliit pa rin dahil kailangan naming unahin ang pag aaral ng aming mga anak. Nakakapundar din kami ng mga gamit sa loob ng bahay at higit sa lahat ay sagana ang aking hapag sa mga masusustansyang pagkain.
Nabibigyan din namin ang aming mga kapitbahay ng libreng gulay dahil hindi naman lahat ay maaaring ipagbili. May ilan na din ang nagsimulang magtanim sa kanilang bakuran upang hindi na daw sila humihingi nalang. Ang iba naman bagamat kakaunti pa lang ay nagsisimula na din silang magtinda ng kanilang ani. Natuto sila dahil nakikita nila kung paano kami magtanim at kung paano ito nakakatulong sa aming pamilya.
Masaya kami sa aming ginagawa subalit ayaw namin itong ipamana sa aming mga anak. Magsisikap kami upang sila ay makatapos ng pag aaral. Alam naming nararamdaman nila ang hirap ng aming ginagawa dahil sila mismo ay sumusuko sa init ng araw. Hindi namin ikahihiya ang ganitong hanapbuhay. Nasa silong man kami ng sikat ng araw at patak ng ulan, laging may putik ang makakapal naming palad, amoy pawis araw-araw. Subalit ikinararangal namin ito, dahil ito ang nagsisilbing hagdan namin upang akyatin ang tagumpay.