Naging makulay ang aking paglalakbay sa gitna ng karagatan buhat sa Infanta, Quezon matapos kong matagpuan ang tunay na pag-ibig na minsan ding pinagkait. Sariwa pa sa aking isipan nang aking makilala ang kabiyak na aking makakasama, sabi ko pa nga ay nagmistula akong masuwerteng mangingisda nang makabingwit ako ng malaking huli dahil natagpuan ko ang magandang dilag na si Manuella Marco matapos kaming dumaong sa Baler Fishport.
Sa naging una naming pag-uusap, hindi maikakaila ang ilangan at hiyaan subalit sadyang hindi ko talaga maitatanggi na sa una naming pagkikita ay siya na ang nais kong maging kabiyak. Dahil noong mga panahon na iyon limang taon na akong hiwalay sa asawa samantalang si Manuella ay balo na at may anim na anak noong aking makilala. Walang mataas na alon masungkit ko lamang ang matamis na oo ni Manuella upang maging aking kabiyak. Bagamat takot at ayaw na mag-asawa, mas nagwagi pa rin sa kanya ang pagsang-ayon sa aming pag-iibigan kasama ang pangakong tutulungan ko siyang makatapos ang mga bata at ituturing kong parang tunay kong anak at magiging katuwang niya sa hirap at ginhawa – na siya ko namang pinatunayan.
Subalit walang naging madali, sa loob ng aming paglalakbay ay patuloy kaming hinahampas ng mga alon. Dahil kami ay marami sa isang pamilya, kinailangan kong mag doble-kayod para kahit papaano kami ay makaraos. Mangingisda ako sa araw, at kahit mainit o mangilan-ngilang masama ang panahon ay pinipilit kong maghanap ng pagkakakitaan para kahit papaano ay may mauuwi akong pang-ulam sa aking pamilya.
Kung wala naman idadaan ko na lamang sa kaunting kwento sa kilala or kaibigan hanggang sa makahingi na ako ng isda na aming pagsasaluhan sa isang araw. At dahil hindi naman palaging maganda ang panahon para mangisda, doon naman ako mag-uuling upang magkaroon ng pera pambili ng bigas. Sa hirap ng buhay, pupunta ako sa bundok upang pumutol ng ilang kahoy at siyang isasalang ko para maging uling.
Dito nasubok kung paano sumugal at magdasal na sa bawat ahon ay may kasamang panalangin na, “Lord, huwag po kaming mahuli ng DENR sa bundok.” Subalit tila mas lalo kaming hinahamon ng tadhana, may mga panahon kasi na nahuhuli ang aming nakasalang na uling kaya lahat ng pagod at hirap naming mag-aama sa pag-akyat panaog sa bundok ay naglaho nang ganun kabilis.
Ang ipinagpapasalamat ko na lamang bagamat wala na kaming pangbiling bigas ay ang mahalaga hindi kami nahuling mag-aama. Malaki ang pasasalamat ko sa aming mga mabubuting kapitbahay na nagbibigay ng kamote para malamnan ang aming kumakalam na sikmura. May mga araw pa na dahil wala kaming pambiling bigas, ay maghapon na namin ang kamote ka-pares ng mainit na kape.
May mga pagkakataon din na kami ay nagungutang sa kamag-anak para lang makaraos, pero may mga panahon din na wala na kaming malapitan. Kaya naman pinasok din ng aking asawa ang paglalabada at pagtitinda ng sari-sari mula sa kaunting ipon naming na kanyang pinapaikot pero, dahil sa kakapusan nagagamit din namin ang puhunan hanggang sa wala nang natira. Naging katuwang namin ang isat-isa mairaos lamang ang pag-aaral ng aming mga anak.
Bilang ama, masakit para sa akin kapag hindi namin maibigay ng asawa ko ang pangangailangan ng aking mga anak, sa kabila ng pangako ko sa aking asawa na ako ang magiging katuwang niya sa pag-buhay sa aming mga anak, tanging paghingi ng pasensya na lamang ang ginagawa ko maibsan lang kahit papano ang kirot na aking nararamdaman. Noong mga panahon na yun sasabay ka na lang talaga sa hampas ng alon dahil sa sobrang hirap.
Pero napagtanto ko na hindi pala palaging bagyo at malalaking alon ang kakaharapin ng aming pamilya, darating pala ang panahon na may mag-aabot sayo ng bangka at sagwan na siyang magiging gabay mo upang malampasan ang mga hampas ng alon. Taong 2009 nang may bumaba galing gobyerno upang kami ay ma-interbyu na naging dahilan upang ang aking pamilya ay mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na siyang nagbukas ng pinto sa amin para kahit paano ay guminhawa ang buhay.
Nabigyan kami ng dagdag puhunan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program na halagang sampung libong piso at sa patuloy na paggabay ng programa at mga worker, umabot na ang aming savings sa halagang apatnapung libong piso (40,000). Pinalad din ang aking anak na makapasok sa (ESGP-PA) isang scholarship na tumulong para makatapos ang aking anak sa kolehiyo. At ngayon ay isa na siyang Admin Aide sa Aurora State College of Technology (ASCOT).
Nagbukas din ito ng oportunidad sa aking asawa na makasali sa ibat-ibang seminar tulad ng bookkeeping kung saan mas napalawig ang kaalaman niya sa pagtitinda gayundin sa pagbubudget. Mayroon ding samahan ng Fisherfolks Association na mas higit na nakatulong sa aming pamilya. Isa itong patunay na hindi tayo pinababayaan ng gobyerno, natutulungan pa din nila ang mga pamilyang naghihirap o kapos, katulad na lamang ng mga tulong pinasyal buhat sa ibat-ibang programa na aming nakuha. Sasamahan lang talaga ng dasal at suporta sa kanilang mga isinusulong.
Apat sa aming anim na anak ay may kanya-kanya nang trabaho sa awa ng Diyos. Mayroon na silang permanente at maayos na trabaho, isang Engineer, isang Admin Aide, Isang Accountant Tech, at isang Loan Assistant sa Bangko. Dalawa na lamang ang aming pinag-aaral. Bilang isang pamilya ay natutugunan naman nang sapat ang mga pangangailangan ng bawat isa. Subalit bago makarating sa pampang tila may isang malaking alon ang muling sumubok sa aming pamilya at ito ay ang pandemya.
Mabuti na lamang at hindi kami ubos biyaya, naturuan ko ang aking mga anak kung paano mag-impok at mag-ipon para sa panahon ng problema ay makakaraos pa din ng sama-sama. Kung kaya naging handa kami sa along paparating, sama sama namin itong kinakaharap ng may diskarte, pag-iipon, pag-iimbak, at pang-unawa sa isa’t-isa. Hanggang sa paunti-unti kami ay nakaraos.
At sa pagsapit sa pampang hindi kami nakalimot bagkus ipinaintindi ko sa aming mga anak na bumawi sa mga taong tumulong sa amin noong mga panahon na kami ay nahihirapan. Kung kaya tuwing pasko, birthday atbp. ay nagbibigay kami ng kaunting grocery sa mga matatanda at kapitbahay na nagbigay sa amin ng libreng kamoteng kahoy para lang may makain.
Ngayong malapit na kaming dumaong sa aming naging mahirap na paglalakbay, bitbit namin ang sariwang alaala sa kung paano namin nalagpasan ang mga pagsubok sa buhay. Sa ngayon, kami ay may matatag na hanapbuhay, may dalawang bangka, maayos na tirahan, may computer shop at may pwesto ng tindahan ng isda sa palengke at pwede nang mag-exit sa programa. Sabi nga ng aming Municipal Link kami dati ay nasa survival level at ngayon ay nasa self-sufficient level of well-being na o kaya ng tumugon sa pangangailangan.
Nagpapasalamat ako sa programa sapagkat ito ang tumulong sa aming pamilya upang mas manatiling malakas, nagmamahalan, nag-uunawaan at nagpatibay ng aming pundasyon bilang isang pamilya. Hindi matatawaran ng kahit anong ginto ang saya sa aking puso ng makita ang apat sa aking mga anak ay nagsusumikap na palaguin ang kani-kanilang sarili sa kanilang trabaho matapos makatapos ng pag-aaral. Natutunan nilang mag-impok at isabuhay ang kabutihang loob sa lahat ng oras ng may pananalig sa Poong Maykapal. Kung kaya naman masasabi ko na ang pamumuhay namin ay malayo na sa dating hirap. Bilang haligi ng tahanan “Prayoridad ko ang aking Pamilya.” Ako ang patuloy nilang magiging sandigan sa lahat ng oras, pagmamahal at ang aking pagsuporta’y kailan may hindi mawawala. Ako ang kanilang KAPITAN sa paglalakbay. ###
Salaysay ni: Edmundo Villeri De Guzman