Sa panayam kay Reiner Grospe, Regional Information Officer ng DSWD Gitnang Luzon, sa Brigada News FM Olongapo, nilinaw niya na ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan  ay mayroong Educational Assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation at wala itong scholarship, taliwas sa mga kumakalat na nakakalitong Facebook posts.

Ayon sa kanya, ang Educational Assistance ay maaaring aplayan ng mga estudyanteng nasa krisis. Halimbawa raw nito ay ang mga biglaang pagkawala ng pinagkakakitaan ng kanilang pamilya; pagkamatay ng sumusuporta sa kanila sa pag-aaral, paglipat ng eskwelahan, at iba pa. 

Sasailalim sa interview ng isang social worker ang mga aplikante. Nakabase naman sa professional assessment ng social worker ang halaga ng educational assistance na matatanggap. Maaring makatanggap ng assistance na minimum P1,000 hanggang maximum na P5,000 para sa elementarya; P2,000 hanggang P5,000 para sa high school; P3,000 hanggang P10,000 para sa Senior High School; at, P4,000 hanggang P10,000 para sa College at Vocational students.

Pumunta lamang sa pinakamalapit na DSWD Extension Office sa inyong lugar at dalhin ang mga sumusunod:

  • Certificate of enrolment or registration
  • School ID ng estudyante
  • Statement of Account o 
  • Anumang dokumento mula sa school na nagsasabing ang estudyante ay naka enroll.

Pinayuhan rin niya ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga Facebook post na hindi galing sa opisyal na social media accounts ng kagawaran dahil lubhang nakakaapekto ang mga ito sa kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino lalo na sa mga mahihirap. ###