Ako po si Laurence Gaygay rehistradong miyembro ng pantawid mula sa Barangay Ramad, Maria Aurora, Aurora noong March 08, 2013 under Set 6C. Sa mga panahong ito ay sobrang hirap ng aming buhay. Ako, ang aking asawa at aming mga anak ay nakatira lang sa isang kulungan ng baboy.

Ang aming dingding ay dahon ng niyog at ang aming bubong ay lona na pinulot lang mula sa basurahan — at ang hindi ko makakalimutan na aming karanasan ay sa tuwing umuulan kami ay binabaha at ang agos ng tubig ay pumupunta sa aming higaan, na sa ganitong pangyayari ay nakaupo na lang kami at nakapayong.

Ang pagtulo ng aking luha ay hindi ko mapigilan habang nakikita ko ang kalalagayan ng aking mga anak. Madalas din akong magluto ng nakapayong lang dahil sa labas ang aming lutuan dahil ang loob ng bahay ay sapat lamang para sa aming tulugan.

Kami ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program pagkatapos kaming ma-assess ng mga Listahanan staff sa aming lugar. Sa simula ng aming pagtanggap ng Cash Grant ay laking tuwa ko dahil dito ay inuna ko ang pangangailangan ng aking mga anak para sa kanilang pag-aaral at ang sumunod ay sinikap naming mag-asawa na makabili ng lote upang may mapagtayuan kami ng bahay dahil sa aming kalalagayan ay ito ang pangunahin naming pangangailangan.

 

Hindi nga kami binigo ng Diyos nakabili kami ng lote sa halagang P5,000 at pinag ipunan na lamang namin ang pagpapatitulo ng lupa. Sa pang araw-araw namin na pakikipagtrabaho ay sinisigurado namin na matutugunan ang edukasyong pangangailangan ng aming mga anak maging ang pagkain namin sa araw-araw, upang ang cash grant na aming matatanggap ay inilalaan ko na ito bilang aming savings upang sa paunti-unti ay makapagpatayo kami ng sarili at maayos naming tahanan upang may maayos na masilungan ang aking mga anak.

Bilang may bahay ay pinagtuunan ko ang kahalagahan ng mga pangunahing pangangailangan ng aking pamilya. Unti-unti ay nakapagpatayo kami ng sarili naming bahay, may 3 kuwarto, may salas at may kusina. Nakapag patayo na rin kami ng sarili naming kubeta at sariling poso upang kami ay may mapagkunan ng malinis na tubig. Ang lahat ng ito ay aking natutunan na kailangang matugunan noong ako ay dumalo sa Family Development Session na ang topic ay patungkol sa Social Welfare and Development Indicators Orientation taong 2015.

Nakapag patayo na rin ako ng sari-sari store extension ng aming bahay at masasabi ko na ito ay patuloy na lumalago dahil hindi ko ito pinapabayaan. Natutunan ko din ang pamamahala ng isang negosyo mula sa FDS topic namin na Basic Business Management and financial literacy.

Hindi ko rin pinapabayaan ang mga tanim kong gulay na siyang aming pinagkukunan ng masustansyang pagkain at ang sobra ay pinapahingi o di kaya binebenta sa aming tindahan . Ang lahat ng aking anak ay nag-aaral. Ako ay aktibong nakikilahok sa mga gawaing pang komunidad habang ang aking asawa patuloy sa pagtratranaho bilang truck driver upang makapagtapos ng college ang aming panganay na nasa college level na. Ang aking pamilya ay protektado na din dahil kami ay vaccinated na.

Ang aking panawagan sa mga kapwa ko 4ps beneficiary ay huwag nating sayangin ang tulong na ipinagkaloob sa atin ng pamahalaan.

Lubos po ang aking pasasalamat sa DSWD Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tunay nga na napakaganda ng programa upang magkaroon tayo ng pagbabago sa ating buhay. Pagbabago mula sa sarili, sa pamilya, sa komunidad at sa lipunan.

Story by: Laurence S. Gaygay
Ramada Maria Aurora, Aurora