Ako po ay isang ordinaryong may-bahay lamang bago naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), asawa at ina ng apat na anak namin. Ang trabaho ko ay tagalaba, tagaluto, tagahatid at sundo ng mga anak sa eskwela, maging teacher ng mga anak. Ang aking araw-araw na buhay ay umiikot lamang sa bahay, eskwela, palengke, at simbahan lang po ang napupuntahan.

 

Ang tanging pangarap ko ay makapagtapos ang mga anak sa kolehiyo nang magkaroon sila ng magandang kinabukasan, upang maiba ang takbo ng buhay nila at hindi nila maranasan ang hirap na dinanas namin noon.

 

Muntik nang sumuko, dahil dalawa ang pamilya ko – ang aking asawa at mga anak at ang aking limang kapatid. Panganay po ako at maagang naulila sa mga magulang. Nakatira po kami sa iisang bubong, pero may kanya-kanyang kwarto, lutuan at palikuran. 

 

Kaya nang maging 4Ps beneficiary po ako ay magkahiwalay kaming mag-asawa, pero after a year ay nagkabalikan din. Graduating po ang panganay ko sa high school noon kaya nagtatrabaho po ako, (nananahi, naglalaba, at nagtitinda ng kakanin at merienda.) at sa tulong po ng mga kapatid ko ay nairaos namin ang pag-aaral niya.

 

Pangalawang anak ko po, hindi man nakagraduate ng high school dahil sa sakit na epilepsy  ay nag-aaral pa rin po sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng Food Processing, Bread and pastry and event Management. Pangatlong anak ay ang first Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGPPA) scholar ng DSWD mula dito sa bayan ng Bocaue at nakapagtapos ng  Accountancy. Ang pang apat na aking bunso ay graduating ngayong Hunyo taong 2025 ng Hospitality Management.

 

Sa pagiging 4Ps, natuto po akong makisalamuha sa mga tao (barangay, municipal officials), naranasang makatungo at mamalagi sa iba’t ibang hotel dahil sa mga Parent Leader trainings at magkaroon ng mga kakilala at kaibigan sa iba’t ibang bayan at lalawigan.

Ilan sa aking naging karangalan at naabot ay ang pagiging Bocaue 4Ps Parent Leader President, District 2 Parent Leader President (Pandi, Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Bustos, Baliuag at Bocaue) noong District 2 4Ps General Assembly na ginanap sa Baliuag Gymnasium taon ng Nov. 11, 2015. Naging Bottom-Up Budgeting BUB (Department of the Interior and Local Government (DILG) – Representative, Municipal Development Council member, Graduate ng Parents Leaders’ Training (DSWD) at aking mga natapos sa TESDA trainings ay massage therapy taong 2014 at dressmaking naman noong taong 2016 at 2021.

 

Dahil sa paghubog at paglago mula sa DSWD, nakapagtrabaho din ako sa Philippine Statistics Authority bilang enumerator taong 2015 at 2024 at gayundin sa DSWD Listahan 3 bilang enumerator taong 2019.

Bilang 4Ps Beneficiary at Parent Leader: Kami ay nagconduct ng yearly school supllies distribution to non-4Ps, community pantry noong panahon ng pandemya through our Bio-Intensive Gardening (BIG), taunang Brigada Eskwela at Clean-up drive sa aming barangay.

 

Masasabi ko pong ako ang pinakaswerteng Parent Leader dahil marami pong magagandang pangyayari na bumago sa buhay ko as a plain housewife. Dumating din po ang pagkakataon na sinubok ang katatagan ko bilang isang ina noong nadiagnosr ang aking pangalawang anak na may epilepsy. Dahil dito ay hindi siya makapagtrabaho ng malayo sa akin.

 

Taong 2018 buwan ng July noong nastroke naman ang aking asawa at naconfine sa hospital. Doon namin nakita at naramdaman na marami pala ang nagmamahal sa akin, mga kapwa ko parent leaders from Bocaue at ibang bayan ng Bulacan. Dumagsa po ang tulong sa lahat ng aspeto. Hindi ko man po hiningi ay kusang dumating ang tulong (laboratory expenses, foods and prayers). Alam ko pong ang pasasalamat ay hindi sapat sa lahat ng tulong na ibinigay nila kaya isinasama ko na lang po sa mga dasal ko na sanay di sila magbago at maging malusog po sila.

 

Nananatiling maayos ang samahan ng aming pamilya. Sa ngayon ay hindi na ako masyadong nabibigay ng pinansyal na tulong sa aking mga kapatid sapagkat kaya na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Tanging ang bunsong anak ko nalang ang sinusuportahan ko lalo na ngayong patapos na siya ng kolehiyo. Nang makarecover sa stroke ang aking asawa, magkatuwang kaming nag-aaruga sa aming mga apo dahil naghahanapbuhay na ang mga magulang ng mga ito. Bukod pa rito, aktibo pa rin akong nakikibahagi sa aming komunidad. Hindi lang sa kapwa benepisyaryo ng 4Ps kundi maging sa ibang nasasakupan ng aming barangay.

 

Nagpapasalamat po ako at nabigyan ako ng pagkakataong mapabilang sa ganitong programa. Ako po at kaming lahat ay natulungan hindi lang sa pinansyal na aspeto kundi pati sa pagpapalago ng aming mga sarili upang maging mas kapakipakinabang sa aming komunidad. Napakaganda ng progamang ito dahil holistic po ang approach na kanilang ginagamit, hindi lamang po nila basta-bastang pinamimigay ang aming cash grant kundi sinusuri po nilang mabuti kung ano pa ang pwedeng maitulong sa isang pamilya upang ito po ay maahon sa kahirapan. Bukod sa tulong mula sa 4Ps ay andiyan din ang Sustainable Livelihood Program (SLP) na nagbibigay ng libreng skills training at panimulang puhunan sa mga nagnanais magnegosyo.

 

Sa kasaysayan, wala pang ganitong magandang programa ang gobyerno na naibigay sa atin. Kaya po pagsikapan natin na mapunta ang natatanggap nating cash grant sa tama upang matulungan tayong makaahon sa kahirapan. Edukasyon at kalusugan ay ating pahalagahan.

 

Sa aking mga Municpal Links, mga miyembro at kapwa parent leaders, maraming salamat po sa paggabay at pagtitiwala na ibinibigay nyo po sa akin.

 

God bless us all! ##