Tanging pagpapa-update lang ng edukasyonal na datos ng kanyang anak ang pakay ni Evangeline H. Madera, isang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary, sa isinagawang Barangayan One Stop Shop cum Caravan of Services noong Mayo 23, 2025, sa Brgy. Sto. Cristo, City of San Jose del Monte, Bulacan, ngunit siya ay sumubok na mag-apply ng trabaho at mapalad na natanggap agad.
Lubos ang pasasalamat niya sa bagong oportunidad na ito na malaking tulong para pangtustos sa edukasyon ng kanyang mga anak at pang-araw-araw na gastusin. Isang hakbang din ito bilang paghahanda lalo na sa kanyang nalalapit na pagtatapos sa programa.
Ang aktibidad ay bahagi ng Convergence Framework at ng 4Ps Kilos-Unlad (KU) Framework, na nakaangkla sa Social Case Management Strategy ng DSWD, na magbigay ng suporta at mga angkop na programa at serbisyo para sa mga benepisyaryo bilang paghahanda sa pagtatapos nila sa 4Ps. ##