Ang pagkalinga ng isang ina ay nagsisimula sa kanyang pag-aalaga at pagmamahal sa kanyang pamilya. Pero ang kalinga ng ina ay hindi lamang sa kanyang pamilya naipararamdam – ang pagkalingang ito ay nababahagi rin sa kanyang komunidad.

 

Si Maricel De Guzman Muñoz, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ay tumutulong sa kanyang mga kapwa benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang kaalaman na natutunan sa programa. Siya ay isang tagapagtaguyod ng kaunlaran at naghihikayat upang mapaunlad ang antas ng pamumuhay ng kanyang mga kasamahan.

Isang konkretong paraan ng kanyang pagtulong ay ang pagpapalaganap ng backyard gardening. Ito ay sinimulan nila noong matapos ang pandemya kung saa’y napagtanto nila ang kahalagahan ng may maaani sa panahon kung saan sila’y walang mapagkukunan ng makakakain. Talong, okra, sitaw, kamatis, kalabasa, sili, at malunggay ang kanilang mga tanim na ngayo’y napagkukunan nila ng 20 hanggang 25 kilos na mga gulay bawat panahon ng ani.

 

Naniniwala siyang sa pamamagitan nito ay hindi lamang gastusin ng pamilya ang mababawasan bagkus ay magiging daan din upang magkaroon ang lahat ng masustansyang pagkain para sa malusog na pangangatawan.

 

Naniniwala si Maricel na ang pag-unlad ng bansa ay nagsisimula sa pagpapaunlad ng komunidad kung kaya’y aktibo siyang nakikilahok sa iba’t ibang community services na isinasagawa sa kanilang barangay tulad ng clean-up drives at tree planting. Ipinapakita niya sa kanyang mga kasamahan ang kasipagan, pagtitiyaga, at pagiging masunurin sa mga alituntunin upang mahikayat ang mga kasamahang gawin ang tama. 

 

Hinihikayat niya ang mga kasamahan – mapakapwa benepisyaryo man o kabarangay na lumahok sa communal gardening. Miyembro man ng 4Ps o hindi ay binabahagian nila ng kanilang mga ani. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos na ito, napapalakas nila ang diwa ng bayanihan at natutugunan ang mga pangangailangan ng bawat isa. 

Hindi lamang sa mga gawain sa komunidad naipapakita ni Maricel ang kanyang pagkalinga sa mga kasamahan. Ang mga kaalamang kanyang nakuha lalo na sa wastong paraan ng paggamit ng natatanggap nilang cash grants ay kanyang ibinabahagi sa kanyang mga kasamahan. Ayon sa kanya, kung sapat na ang kita ng pamilya para sa pang-araw-araw na gastusin, maaaring ipunin ang cash grant bilang puhunan para sa maliit na negosyo. Hindi lamang agarang pangangailangan ang natutugunan, pati na rin ang mas sustenableng pagkakakitaan para sa hinaharap.

 

Sa tulong nito, hindi na mangangamba ang mga benepisyaryo kung sakaling magtapos sila sa programa sapagkat sila ay handa na. Sa tulong din nito ay mabibigyan naman ng pagkakataon ang iba pang mga nangangailangan na makalahok at makinabang sa 4Ps.

Ayon kay Maricel, ang ganitong paniniwala ay hindi lamang sa sarili at pamilya makakatulong. Kundi ay ang tunay na mithiin ng programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino at maputol ang siklo ng kahirapan sa bansa.##