“𝒞𝒽𝑜𝑜𝓈𝑒 𝓅𝑜𝓈𝒾𝓉𝒾𝓋𝒾𝓉𝓎 𝒶𝓃𝒹 𝓌𝒶𝓉𝒸𝒽 𝓎𝑜𝓊𝓇 𝓁𝒾𝒻𝑒 𝒸𝒽𝒶𝓃𝑔𝑒”, “𝒲𝒶𝓁𝒶𝓃𝑔 𝓂𝒶𝓃𝑔𝓎𝒶𝓎𝒶𝓇𝒾𝓃𝑔 𝓅𝒶𝑔𝒷𝒶𝒷𝒶𝑔𝑜 𝓀𝓊𝓃𝑔 𝓌𝒶𝓁𝒶𝓃𝑔 𝑔𝒶𝑔𝒶𝓌𝒾𝓃𝑔 𝒽𝒶𝓀𝒷𝒶𝓃𝑔”, at
“𝒯𝒽𝑒𝓇𝑒 𝒾𝓈 𝓈𝑜𝓂𝑒𝓉𝒽𝒾𝓃𝑔 𝒾𝓃𝓈𝒾𝒹𝑒 𝓎𝑜𝓊 𝓉𝒽𝒶𝓉 𝒾𝓈 𝑔𝓇𝑒𝒶𝓉𝑒𝓇 𝓉𝒽𝒶𝓃 𝒶𝓃𝓎 𝑜𝒷𝓈𝓉𝒶𝒸𝓁𝑒.”
Ito ang mga paniniwalang nagpabago sa murang kaisipan ni Glen Mark Patricio Rallustian, 4Ps monitored child mula sa Paniqui, Tarlac. Para sa kanyang pamilya, ang kahirapan ang nag-udyok sa kanilang magpursigi at harapin ang bawat hamon sa araw-araw na pamumuhay.
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga magulang. Karpintero ang kanyang tatay, habang ang kanyang nanay naman ay nagtitinda ng gulay. Sila ay may maliit na lupain na pagtatamnan ng iba’t-ibang gulay na siyang pinagkukunan ng mga ulam at dagdag kita sa pang-araw-araw. Yari sa kahoy lamang ang kanilang bahay kung kaya’t tuwing may malakas na ulan o bagyo, sila ay nangangambang matangay ito ng hangin.
Hindi sapat ang sahod ng kanilang tatay upang suportahan ang pag-aaral at pang-araw-araw nilang magkakapatid. Upang matulungan ang haligi ng tahanan, si Glen at ang kanyang ina ay naglalako ng gulay.
Lahat ng pagsubok na kanilang dinaranas ang naging dahilan upang mas pag-igihin nila ang kanilang pag-aaral.
Noong taong 2012 nang sila ay mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ang 4Ps ang naging dahilan upang gumaan at masustentuhan ang pag-aaral nilang magkakapatid. Bukod pa rito, marami rin silang natututunan mula sa pagdalo sa mga Family Development Sessions (FDS).
Naging malaking tulong din sa kanilang pamilya noong napabilang ang kanyang ina sa Sustainable Livelihood Program. Ang natanggap na pangpuhunan ng kanyang ina ay ginamit nilang pambili ng kambing na kanilang paparamihin pangdagdag panggastos sa araw-araw.
Kinuha ni Glen ang kursong Agricultural and Bio-Systems Engineering ngunit sa kasamaang palad ay hindi nakapasa. Ito ang isa sa malalaking dagok na naranasan niya at ‘di maiwasang tanungin ang sarili kung saan siya nagkulang at kung ipagpapatuloy pa ba ang nasimulan. Nalagpasan niya ito sa tulong ng kanyang pamilya lalo na ng kanyang ina na nagsabi na baka hindi para sakanya ang kursong iyon.
Napili niya ang Bachelor of Science in Tourism Management matapos maipasa ang sampung (10) iba’t-ibang kurso sa Tarlac Agricultural University (TAU).
Upang magkaroon ng pangdagdag pambaon at panggastos sa bahay at paaralan, ang magkapatid ay umeekstra sa paglalabada, pagluluto, at pagbabantay ng mga bata. Pumasok rin si Glen bilang waiter sa catering services at sa pagbubukid.
Dumaan man ang pandemya na naging dahilan para mawalan ng trabaho ang kanilang ama, patuloy pa rin ang pamilya at hindi nawalan ng pag-asa sa buhay. Pinalago ng kanyang ama ang kanilang mga pananim sa pamamagitan ng pagdadagdag ng iba pang mga gulay.
Nang dahil sa pandemya ay napilitan si Glen na manghiram ng pambili ng cellphone na gagamitin sa online classes sapagkat wala siyang gagamiting computer o laptop. Kinuha niya ang cellphone ng hulugan at binabayaran tuwing may service ng catering.
Taong 2021 nang ipanganak ng kanilang ina ang kanilang bunsong kapatid. Ngunit patuloy na sa buhay ang pamilya nila Glen. Matapos ang dalawang buwan, nadiagnose ang kanilang ina na may pneumonia at heart disease. Dahil dito ay kinailangan siyang gumamit ng oxygen tank.
Dumating ang taong 2023, bago magtapos ng kolehiyo si Glen ay pumanaw ang kanyang ina. Matapos ng libing ng kanyang ina, lumabas ang resulta ng mga magsisipagtapos ng may karangalan. Kabilang si Glen na magtatapos bilang Cum Laude.
Masaya man si Glen sa pagtatapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management ngunit hindi niya maiwasang malungkot habang naiisip ang namayapang ina. Matapos ang graduation ay nagtungo ang pamilya sa libingan at inialay ang diploma at medalya.
Malayo pa pero malayo na ang naabot ng pamilya. Tatlo na sa magkakapatid ang nakatapos ng pag-aaral, ang isa ay kasalukuyang nasa senior highschool, ang tatlo ay nasa grade school, at ang bunso ay maliit pa.
Kasalukuyang nagtatrabaho si Glen bilang waiter, events organizer, event stylist, host, at kung minsan ay sa inventory din.Tulung-tulong sila ng panganay na kapatid at ng kanilang ama upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya sa araw-araw.
Lubos ang pasasalamat ng kanilang pamilya sa tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng 4Ps na naging katuwang nila para makapagtapos sa pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap. ##