Hapag na may pagkaing agahan at baon, notebook, lapis, ballpen, at uniporme. Ito ang mga bagay na inihahanda ng mga magulang ni Mary Jane L. Bataan para sa kanya at sa kanyang mga kapatid.
Naging inspirasyon para sakanya ang kasipagan ng kanyang mga magulang. Bagama’t mahirap ang kinagisnang buhay, hindi niya ito inalintana dahil naibibigay ng mga ito ang kanyang mga pangangailangan.
Karpintero ang kanyang ama habang tindera sa palengke naman ang kanyang ina. Nagsasaka rin ang mga ito upang pangdagdag para matustusan silang magkakapatid. Walang bisyo ang mga ito at tanging paghahanapbuhay ang pinagkakaabalahan para maitaguyod ang kanilang pamilya.
Sila ay tubong Pangasinan at nakakapunta lamang sa Zambales noon dahil doon sa pinagtrabahuhang restaurant sa Olongapo City ng kanyang ama, sa pag-aangkat ng mga paninda ng kanyang ina, at dahil na rin sa iba nilang mga kamag-anak na doon naninirahan.
Kalaunan ay lumipat na rin siya sa Zambales at doon na nagtuloy ng pag-aaral. Ang kanyang mga ate na ang sumusuporta sa kanila ng mas nakababata niyang kapatid.
Siya ay nakuha bilang student assistant at may full scholarship sa Columban College at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Social Work. Patuloy siyang sinusportahan sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid habang ang kanilang mga magulang naman ay nagpapadala ng kanilang mga aning bigas, gulay, at prutas. Masasabi niya noong kahit papaano ay nakakaluwag-luwag na sila.
Marahil mula sa kanyang sipag at tiyaga ay sunud-sunod na magandang mga bagay ang nangyari kay Mary Jane. Noong matapos niya ang kolehiyo ay nagtake naman siya ng Board Examination na kanya ring naipasa. Kalaunan ay natanggap din siya sa DSWD Field Office 3 bilang Project Development Officer II – Municipal Link (ML).
Siya ay nadestino sa Palauig, Zambales. Bukod sa layo ng byahe mula sa kanyang pamilya patungo sa kanyang area of assignment, dito rin nasubok ang kanyang pagiging social worker noong nakahawak na siya ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Saksi siya sa magagandang dulot ng 4Ps sa kanyang mga hinahawakang benepisyaryo. Nakita niya kung paano naempower ang mga ito mula sa mga Family Development Sessions (FDS). Namulat ang mga ito sa lipunan, sa mga programa’t serbisyo ng gobyerno, at mga karapatan upang matutong tumayo sa kanilang mga sarili at maipaglaban ang tama.
Dahil na rin sa mga kondisyon ng programa, marami sa mga kabataan ang nagsisikap makatapos ng pag-aaral at natutukan ang nutrisyon at kalusugan. Ang iba naman ay nakatanggap ng tulong pinansyal pangkabuhayan upang mas mapaunlad ang kanilang mga pamumuhay.
Sa sampung taong pagiging ML ni Mary Jane, nasaksihan niya ang mga nagtagumpay mula sa tulong na hatid ng 4Ps. Titser, pulis, inhinyero, nars, entrepreneur, agriculturist, at iba pa – ilan lamang sa mga naging produkto ng programa. Maraming pamilya na rin ang umunlad ang pamumuhay.
“𝑀𝒶𝓈𝒶𝓎𝒶 𝒶𝓃𝑔 𝓂𝒶𝑔𝓉𝓇𝒶𝒷𝒶𝒽𝑜 𝓈𝒶 𝑔𝑜𝒷𝓎𝑒𝓇𝓃𝑜 𝓈𝒶 𝒾𝓁𝒶𝓁𝒾𝓂 𝓃𝑔 𝟦𝒫𝓈, 𝒹𝒶𝒽𝒾𝓁 𝒽𝒾𝓃𝒹𝒾 𝓀𝒶 𝓁𝒶𝓃𝑔 𝓈𝓊𝓂𝒶𝓈𝒶𝒽𝑜𝒹 𝑜𝓇 𝓀𝓊𝓂𝒾𝓀𝒾𝓉𝒶 𝓀𝓊𝓃𝒹𝒾 𝓂𝒶𝓈 𝓂𝒶𝓇𝒶𝓂𝒾 𝓀𝒶𝓃𝑔 𝓃𝒶𝓉𝓊𝓉𝓊𝓁𝓊𝓃𝑔𝒶𝓃 𝓃𝒶 𝓅𝒶𝓂𝒾𝓁𝓎𝒶 𝒶𝓉 𝓉𝒶𝑜𝓃𝑔 𝓂𝒶𝓈 𝒽𝒾𝑔𝒾𝓉 𝓃𝒶 𝓃𝒶𝓃𝑔𝒶𝓃𝑔𝒶𝒾𝓁𝒶𝓃𝑔𝒶𝓃 𝓃𝑔 𝓀𝒶𝓁𝒾𝓃𝑔𝒶 𝒶𝓉 𝑔𝒶𝒷𝒶𝓎.”
Matapos madestino bilang Municipal Link ng sampung (10) taon sa Palauig, Zambales, sa kasalukuyan ay naassign na Mary Jane sa Subic kung saan siya nakatira. Nakapagtapos na rin siya ng kanyang Masters in Public Administration.
Patuloy pa rin siya sa pagpapalago ng kanyang kaalaman at karunungan habang patuloy na tumutulong sa mga nangangailangan.
Layunin niyang matulungan pa rin ang kanyang pamilya. Nais niya ring mas marami pang matulungan ang 4Ps nang sa ganun ay mabawasan ang mga mahihirap na pamilya at sa huli ay maputol ang cycle of poverty sa bansa. ##