“𝒜𝓃𝓎𝑜𝓃𝑒 𝓅𝓇𝑒𝓅𝒶𝓇𝑒𝒹 𝓉𝑜 𝓋𝒾𝑒𝓌 𝓁𝒾𝒻𝑒 𝒻𝓇𝑜𝓂 𝒶 𝓂𝑜𝓇𝑒 𝑜𝓅𝓉𝒾𝓂𝒾𝓈𝓉𝒾𝒸 𝒶𝓃𝑔𝓁𝑒 𝓌𝒾𝓁𝓁 𝑒𝓍𝓅𝑒𝓇𝒾𝑒𝓃𝒸𝑒 𝒸𝒽𝒶𝓃𝑔𝑒𝓈.”
 
Ito ang paniniwala ng bunsong anak ni Evangeline P. Martinez na si Maria Kristal Kayle P. Martinez ng Muzon, City of San Jose Del Monte, Bulacan.
 
Maaaring namana niya ang ganitong positibong pananaw sa buhay mula sa kanyang inang si Evangeline. Determinasyon, pagkasabik na matuto, at makatulong sa kapwa – mga katangian natutunan niya bilang Parent Leader ng sampung (10) taon.
 
Nagpamalas siya ng kalakasan ng loob lalo na’t siya ang naging boses ng kanyang mga kapwa miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at gabay ng grupo upang hindi sila malihis ng landas.
 
Ang kanyang mga natututunan mula sa pagdalo sa mga Family Development Sessions at iba pang seminar ay naiaapply niya sa kanyang mga miyembro pati na rin sa kaniyang pamilya. Sa pamamagitan nito ay mahihikayat niya ang iba, miyembro man o kapamilya.
 
Matapos maging 4Ps monitored child nang makatapos ng senior highschool, nag-aral ng Bachelor of Science in Social Work si Maria Kristal Kayle. Lumaki siyang mahilig na nakikihalubilo sa iba. Nakita niya kung paano naging instrumento ng pagbabago ang kanyang ina, hindi lamang sa kanilang pamilya ngunit pati na rin sa ibang tao.
 
Sa huling taon ni Maria Kristal Kayle sa kolehiyo ay naranasan niyang maging on-the-job trainee sa DSWD Field Office 3 Municipal Action Team Office sa Santa Maria, Bulacan. Dito ay nakita niya ang trabaho ng Municipal Link at kung paano nila napapabago ang buhay ng benepisyaryo ng programa.
 
Nakatapos siya sa kolehiyo noong taong 2023 at hindi man nagkaroon ng Latin Honors ay ginawaran naman siya ng parangal bilang Dean’s Lister. Sa parehong taon ay nakapasa rin siya sa Board Examination.
 
Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Tulay ng Kabataan Foundation, Inc. bilang case manager ng mga batang abused, neglected, street dwellers, at street scavengers. Patuloy pa rin siyang naging instrumento ng pagbabago para sa mga ito.
 
Nakapagtapos na sa programa ang pamilya. Ang tatlong (3) nakakatandang anak ni Evangeline ay may mga sarili nang pamilya at nagsisipagtrabaho sa isang furniture center. Ang pang-apat na anak nagtatrabaho sa isang hotel, ang panglima naman ay hindi nagtatrabaho sapagkat ito ay may kapansanan at walang kakayahang maghanapbuhay.
 
“𝑀𝒶𝓁𝒶𝓀𝒾 𝒶𝓃𝑔 𝓅𝒶𝓈𝒶𝓈𝒶𝓁𝒶𝓂𝒶𝓉 𝓃𝑔 𝒶𝓂𝒾𝓃𝑔 𝓅𝒶𝓂𝒾𝓁𝓎𝒶 𝓈𝒶 𝑔𝓊𝓂𝒶𝓌𝒶 𝒶𝓉 𝓃𝒶𝑔𝓅𝒶𝓈𝒶𝒷𝒶𝓉𝒶𝓈 𝓃𝑔 𝒫𝒶𝓃𝓉𝒶𝓌𝒾𝒹 𝒫𝒶𝓂𝒾𝓁𝓎𝒶𝓃𝑔 𝒫𝒾𝓁𝒾𝓅𝒾𝓃𝑜 𝒫𝓇𝑜𝑔𝓇𝒶𝓂 (𝟦𝒫𝓈) 𝒜𝒸𝓉”.##