Ginanap noong Marso 7, 2025 ang Ceremonial Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng DSWD Field Office 3 – Central Luzon at ng isang international Civil Society Organization (CSO), ang Global Peace Foundation (GPF) Philippines. Ito ay pinangunahan nina DSWD Field Office 3 Regional Director Venus F. Rebuldela at GPF Philippines Executive Director Mr. Leonard Faustino, kasama ang ibang mga kawani mula sa ahensya at CSO.

Kabilang sa magiging pagkakasundong ito ang mga programa ng DSWD; Pantawid Pamilyang Pilipino Progam (4Ps), Sustainable Livelihood Program (SLP), at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS).

Tutuon ang pagkakasundong ito sa KAAGAPAY Engagement, kung saan magkakaroon ng livelihood projects para sa mga benepisyaryo ng 4Ps at referral system para sa oportunidad sa trabaho at GABAY Engagement, kung saan magiging resource person sa mga gaganaping Family Development Sessions (FDS), coaching and mentoring para sa mga parent leaders, at magbigay rekomendasyon para mas mapabuti ang pagtatalakay sa mga paksa sa mga CSO meetings para naman sa mga kawani ng ahensya sa ilalim ng 4Ps.

Ang pangunahing proyektong isasagawa ay ang pagbibigay ng mga solar lamps para sa 100 sambahayang 4Ps sa mga probinsya ng Aurora, Tarlac, at Zambales.

Kasunod nito, isinagawa sa Sitio Singawan Elementary School, Brgy. Umiray at Abungan Elementary School sa Brgy. Ibona ang Social Preparation, Partnership Program Preparation, Needs Assessment, at Visioning Workshop sa mga piling 4Ps beneficiaries noong Marso 18 – 19, 2025.

Ang naturang aktibidad ay idinaos bilang paghahanda para sa gaganaping launching ng 47th All Lights Village Project ng Global Peace Foundation (GPF) Philippines.
Ito ay dinaluhan ng mga miyembro ng Municipal Action Team (MAT), nina Mr. Leonard Faustino, Executive Director, Jocelyn Remigio at Kier Aventurado, mga Program Director for Community Development, Lanee Enghog, Program Coordinator, at Shaira Osorio, Program staff ng GPF Philippines.

Kaya’t sa gitna man ng maulan na panahon, ginanap naman noong Marso 27, 2025 sa Dingalan, Aurora ang Launching ng 47th All-Lights Village and Turnover Ceremony of Solar Lamps and Solar Streetlights sa Sitio Singawan, Barangay Umiray.

Ang mga benepisyaryo ng proyekto ay 100 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na walang access sa kuryente mula sa Barangay Ibona at Umiray. Nagkaroon din ng Unveiling of the Partnership Marker at Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng Global Peace Foundation at Lokal na Pamahalaam Dingalan.
Ang aktibidad ay dinaluhan ni Ms. Joanne Mateo, DSWD Field Office 3 Social Welfare and Development (SWAD) Aurora 4Ps Provincial Link bilang kinatawan ni Regional Director Venus F. Rebuldela, Mr. Leonard Faustino, Executive Director ng Global Peace Foundation, Ms. Marie Beatrice Mendoza, Operations Director ng Bless Microfinance Corporation, at Lokal na Pamahalaan.##