Idinaos ang Inauguration and Turn-Over Ceremony ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 – Central Luzon sa pamamagitan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) para sa apat na sub-projects na nagkakahalaga ng mahigit ₱7.5 milyon  sa Casiguran, Aurora.

Ang mga sub-projects na naiturn-over ay kinabibilangan ng Construction of Drainage Canal sa Barangay Lual at Construction of Level II Water System sa mga barangay ng Culat, Dibacong, at Tinib, Casiguran, Aurora.

Sa pangunguna ni Field Office 3 Regional Director Venus F. Rebuldela, dinaluhan ang seremonya nina Assistant Regional Director for Operations Armont C. Pecina at Division Chief ng Promotive Services Division Susan S. Hernandez, kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Casiguran sa pangunguna ni Municipal Mayor Roynald S. Soriano. Dumalo rin ang mga opisyal ng munisipyo, mga kapitan ng barangay, at mga community volunteers na aktibong tumulong sa mga proyekto.

 

Isang mahalagang bahagi ng aktibidad ang pagbabahagi ng mga karanasan at mga aral na natutunan ng mga community volunteers, kasabay ng Ceremonial Turn-over ng apat na sub-projects.

Binigyang-diin ni Mayor Soriano ang kahalagahan ng mga natutunang karanasan ng komunidad sa ilalim ng KALAHI-CIDSS: “Ang programa ng KALAHI-CIDSS, malaki po ang naitulong nito sa bayan ng Casiguran. Mapalad po tayo dahil dito sa KALAHI-CIDSS may partisipasyon ang komunidad sa preparasyon ng programa, sa pagbabadyet, at papapatupad. Magandang experience po ito sa mga barangay na nabiyayaan nitong programa. Sana po mabiyayan pa ulit ng programa ang bayan ng Casiguran. Maraming salamat po sa DSWD”.

Inaasahan na ang mga proyektong ito ay patuloy na pangangalagaan ng mga mamamayan, katuwang ang Operation and Maintenance Team, mga barangay, at ang pamahalaang bayan ng Casiguran upang masigurong magdudulot ng pangmatagalang benepisyo ang mga ito sa komunidad.

 

####