Quezon City – Tatlong araw na National Bayani Ka! Awards ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), isa ang DSWD Field Office 3 sa mga nabigyan ng pagkakataon na makilahok sa naturang prestihiyosong aktibidad. Layunin ng awards na kilalanin at bigyang-halaga ang mga indibidwal at grupong nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa bolunterismo.

 

Mahigit 15 na rehiyon mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang dumalo sa nasabing event, kasama ang kanilang mga Field Office Heads, Regional Program Management Office staff, at ang mga tunay na bayani ng programa — ang mga community volunteers. Ang mga boluntaryong ito ang nagsusulong ng mga proyekto na may layuning mapaunlad ang kanilang mga komunidad.

Sa unang araw ng aktibidad, tinalakay ang konsepto ng bolunterismo, ang mahalagang papel na ginagampanan nito sa mga programa ng gobyerno, at ang mga estratehiya para mapanatili at mapalawig ang mga inisyatibo ng programa.

Kabilang sa delegasyon ng DSWD Field Office 3 ang mga nagwagi sa Regional Bayani Ka! Awards sa iba’t ibang kategorya tulad ng Operations & Maintenance Group, Indigenous People’s Welfare, Persons with Disabilities, Gender and Development, at Senior Citizens. Ang mga ito ay kinilala dahil sa kanilang natatanging ambag sa kani-kanilang komunidad.

Sa panimulang sesyon, binigyang-diin ni Jezon P. Romano, Division Chief for Social Development Unit, ang mahalagang papel ng mga community volunteers: “Community Volunteers are the backbone of KALAHI-CIDSS, driving local initiatives and empowering residents to take charge  of their own development.”

Sa araw na ito ipagdiriwang at pararangalan ang mga nagwagi ng National Bayani Ka! Awards, pati na rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang Field Offices na naging katuwang ng mga boluntaryo sa mga tagumpay ng programa.

 

 

####