Palauig, Zambales – Sa ilalim ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), matagumpay na naiturn-over ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 ang siyam (9) na sub-projects na nagkakahalaga ng mahigit ₱6 milyon.

Kabilang sa mga ipinatupad na proyekto ang Improvement of Barangay Road, Improvement of Day Care Center, Concreting of Barangay Road, at Improvement of Drainage Canal, sa siyam (9) barangay ng Palauig, Zambales.

Sa pangunguna ni DSWD Regional Director Venus F. Rebuldela, dinaluhan ito nina Susan S. Hernandez, Division Chief ng Promotive Services Division, at Aladin L. Naje, Regional Program Coordinator ng KALAHI-CIDSS katuwang ang lokal na pamahalaan ng Palauig, sa pangunguna ni Municipal Mayor Billy Aceron, na dinaluhan ni Acting Mayor Christian Daniel Aceron, kasama ang iba pang opisyal ng munisipyo, mga kapitan ng barangay, at community volunteers.

Binigyang diin sa aktibidad ang ribbon cutting at opisyal na turnover ng mga sub-projects, kasabay ng pagbabahagi ng mga karanasan ng mga community volunteers at mga lider ng barangay na naging bahagi ng implementasyon.

Si G. Roland Anis, isang community volunteer mula sa Barangay Libaba, ay nagbahagi ng kanyang karanasan at pasasalamat: “Nagpapasalamat po ako sa KALAHI-CIDSS at sa lahat ng nagsikap at nagtrabaho para maisakatuparan ang proyektong ito. Tunay nga pong Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan. Malaki ang naitulong nito sa aming komunidad, hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi pati na rin sa kapayapaan ng aming isipan. Sana ay ipagpatuloy ang mga ganitong proyekto upang mas marami pang komunidad ang makinabang.”

Ang pangunahing layunin ng DSWD Field Office 3, sa pamamagitan ng KALAHI-CIDSS, ay mapataas ang antas ng serbisyo publiko at mabigyan ng mas malawak na partisipasyon ang mga mamamayan sa pagdedesisyon, pagpaplano, pagbabadget, at implementasyon ng mga programang direktang tutugon sa kanilang pangunahing pangangailangan—lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan.

 

####