Cabangan, Zambales – Sa ilalim ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), matagumpay na naiturn-over ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 ang kabuuang 44 sub-projects sa mga barangay ng Cabangan, Zambales.

Kabilang sa mga naiturn-over na proyekto ang Improvement of Barangay Health Center, Construction of Level II Water Supply System, Construction of Disaster Operation Center, at Construction of Drainage Canal. Ang mga ito ay bahagi ng 21 sub-projects sa Phase 1 at 23 sub-projects sa Phase 2, na sumasaklaw sa 22 barangay at may kabuuang halaga na mahigit ₱23 milyon.

Sa pangunguna ni DSWD Regional Director Venus F. Rebuldela, dinaluhan ito nina Susan S. Hernandez, Division Chief ng Promotive Services Division, at Aladin L. Naje, Regional Program Coordinator ng KALAHI-CIDSS katuwang ang lokal na pamahalaan ng Cabangan, sa pangunguna ni Municipal Mayor Ronaldo F. Apostol, kasama ang mga opisyal ng munisipyo, mga kapitan ng barangay, at mga community volunteers na malaki ang naging papel sa matagumpay na pagpapatupad ng mga proyekto.

Binigyang-diin sa aktibidad ang ribbon cutting at formal turnover ng mga sub-projects, na sinundan ng pagbabahagi ng karanasan ng mga community volunteers at mga kapitan ng barangay na naging kabalikat ng DSWD sa pagsasakatuparan ng mga proyekto.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Hon. Ronaldo F. Apostol sa DSWD, mga kapitan ng barangay, at community volunteers sa kanilang pagsisikap at kooperasyon. “Natutuwa ako sa mga proyekto ng KALAHI-CIDSS sa tulong ng DSWD. Sana po ay magpatuloy pa ang ganitong mga inisyatiba. Ipagpapatuloy natin ang pakikipagtulungan at pagkaka-isa para sa ikabubuti ng ating komunidad. Maraming salamat po sa DSWD at KALAHI-CIDSS.”

Ang pangunahing layunin ng DSWD Field Office 3 Central Luzon, sa pamamagitan ng KALAHI-CIDSS, ay mapataas ang kalidad ng mga serbisyong pampubliko at mabigyan ng mas malawak na partisipasyon ang mga mamamayan sa pagdedesisyon, pagpaplano, pagbabadget, at pag-implementa ng mga programang tutugon sa kanilang pangunahing pangangailangan—lalo na sa mga komunidad na nangangailangan ng suporta.

 

####