Isinagawa ngayong araw, September 26, 2024, ang Ceremonial Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng DSWD Field Office 3 – Central Luzon at Landbank of the Philippines para sa Landbank Bulk Credit System (LBCS).
 
Ito ay pinangunahan ni DSWD Field Office 3 – Central Luzon Regional Director Venus F. Rebuldela at Landbank Senior Vice President Sylvia C. Lim at dinaluhan at sinaksihan ng mga kawani mula sa dalawang ahensya.
 
Ang LBCS ay isang web-based na application kung saan ang DSWD FO3 bilang kliyente ng LBP ay maaaring magsagawa ng electronic batch crediting o fund transfer sa Landbank at Non-Landbank na destination account ng mga tatanggap nito.
 
Pinaabot ni Regional Director Venus F. Rebuldela ang kanyang pasasalamat sa LBP bilang katuwang at para sa kanilang patuloy na pagsuporta sa mga adhikain ng ahensya na makapaghatid ng mas epektibo at mas mabilis na serbisyo para sa mga benepisyaryo nito. Ito ay isa sa mga hakbang patungo sa paghahanda para sa gagawing digital payment pilot testing.
 
Ayon naman kay LBP Senior Vice President Sylvia Lim ay nalulugod silang maging isa sa mga katuwang ng DSWD Field Office 3 sa paghahatid ng maagap na serbisyo para sa mga benepisyaryo ng ahensya.
 
Sa pamamagitan ng digital payment scheme na ito, mas madali ang proseso ng pamamahagi ng financial assistance dahil ito ay hindi na dadaan sa mahabang proseso at makakabawas sa guguling oras sa paghihintay dahil diretso na itong matatanggap ng mga kliyente.
 
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#DSWDGitnangLuzon