PANTABANGAN, NUEVA ECIJA – Sa pamamagitan ng programang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services National Community Driven Development Program Additional Financing (KALAHI-CIDSS NCDDP AF), ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagdaos ng Inauguration at Turn-over Ceremony para sa walong (8) subprojects.

 

Ang KALAHI CIDSS NCDDP AF ay ang pangunahing programa ng gobyerno para sa pagbawas ng kahirapan na naglalayong gamitin ang mga pamamaraang participatory, community-led, at community-driven na napatunayang epektibo sa gawain ng pagpapaunlad ng komunidad. Sa pamamagitan ng programang ito, binibigyang kapangyarihan ang mga komunidad sa mga target na munisipalidad upang makamit ang mas pinabuting access sa mga serbisyo at aktibong makilahok sa mas inklusibong lokal na pagpaplano, pagbabadyet, at implementasyon.

Mahigit sa walong (8) barangay ang nabiyayaan ng mga proyekto tulad ng Concreting of Barangay Road, Construction of Drainage Canal, Construction of Additional Water Tank with Transmission Line to Supply Existing Water System, at Purchase of Emergency and Disaster Response Equipment and Fogging Machine.

Sa pangunguna ni DSWD Field Office 3-Central Luzon Regional Director Venus F. Rebuldela ay pormal na iginawad sa pamahalaang lokal ng barangay. Dumalo rin sa seremonya si KALAHI-CIDSS OIC-Regional Program Coordinator Aladin L. Naje, kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Pantabangan, Nueva Ecija sa pangunguna ni Municipal Mayor Roberto T. Agdipa.

Binigyang-diin sa aktibidad ang pagbabahagi ng mga karanasan at mga aral na natutunan ng mga community volunteers, kasabay ng Ceremonial Turn-over ng walong subprojects.

Laking pasasalamat ni Ginang Jocelyn Viernes, Community Volunteer sa Barangay San Juan, Pantabangan, Nueva Ecija, na dumating ang programa sa kanilang bayan, “Maraming marami pong salamat na dumating po ang KALAHI [-CIDSS] dito sa aming bayan. Marami po silang natulungan lalong-lalo na po sa ating mga BHW at community volunteers”.

 

####