Mayo 18, 2024 – Sa paglulunsad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong araw, tampok ang kwento ng pagsusumikap at dedikasyon ni Jennifer Damaso, isang 39 taong gulang na klerk mula sa San Marcelino, Zambales.

Si Jennifer ay nagtatrabaho bilang isang klerk sa lokal na pamahalaan ng kanilang bayan, tumutulong sa mga taong nangangailangan ng iba’t ibang serbisyong pampamahalaan. Sa araw-araw na kita na 300 pesos, aminado siyang hindi sapat ang kanyang kinikita upang matustusan ang kanyang mga pangangailangan. “Malayo ang bahay ko sa trabaho at ang sahod ko ay halos hindi sapat para sa aking mga bayarin at pamasahe,” ani Jennifer.

Kahit na hindi siya nagpapalaki ng pamilya, malaki pa rin ang kanyang hamon sa buhay. Nakakabilib na pinipili niyang manatili sa kanyang trabaho sa kabila ng kakulangan ng kita. Nang tanungin kung bakit niya ipinagpapatuloy ang trabaho, sinabi niya, “Natuto na akong mahalin ang trabaho ko. Pakiramdam ko ay natutupad ko ang aking layunin tuwing nakakatulong ako sa mga taong nangangailangan ng serbisyo mula sa gobyerno.” Idinagdag pa niya na ang iba’t-ibang problema ng mga tao na kanyang natutulungan ay nagbibigay sa kanya ng maraming aral tungkol sa buhay.

Sa kabila ng mga hamon, patuloy na umaasa si Jennifer na siya ay mapopromote balang araw. Wala siyang pangalawang pag-iisip kahit gaano katagal ito mangyari dahil nakatuon siya sa kanyang paniniwala na ang pagtulong sa kapwa ang tamang landas para sa kanya.

Ngayong araw, isa siya sa mga pinalad na mabigyan ng tulong mula sa AKAP. Malaki ang kanyang pasasalamat sa DSWD dahil sa suportang natanggap niya. “Maraming salamat sa DSWD sa tulong na ito. Malaking bagay ang tatlong libong piso upang magkaroon ako ng kaunting kaginhawaan sa aking mga pangunahing bayarin,” pahayag ni Jennifer.

Ang kwento ni Jennifer ay sumasalamin sa diwa ng AKAP na magbigay ng agarang tulong sa mga indibidwal na tulad niya na patuloy na nagsusumikap sa kabila ng mga hamon. Patunay ito na ang bawat tulong, ano man ang halaga, ay may malaking epekto sa buhay ng mga taong nangangailangan.

Patuloy ang DSWD sa kanilang misyon na maghatid ng malasakit at suporta sa bawat Pilipinong tulad ni Jennifer, na tapat na naglilingkod sa bayan at humuhubog ng mas magandang kinabukasan para sa lahat.###

 

image_pdfimage_print