Mayo 18, 2024 – Sa paglulunsad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong araw, isang inspiradong kuwento ang bumida sa buong bansa. Si Joselito Pulido, 51 taong gulang, isang basurero mula sa Castillejos, Zambales, ay isa sa mga unang nakatanggap ng tulong mula sa programang ito.

Araw-araw, kumikita si Joselito ng humigit-kumulang 300 pesos bilang isang basurero. Sa kabila ng kanyang pagsusumikap, aminado siyang hirap pa rin siyang maitawid ang pangangailangan ng kanyang pamilya. “Hindi sapat ang kinikita ko para mabayaran ang aming kuryente at tubig,” sabi niya. Si Joselito ay may asawa at tatlong anak, at siya lamang ang tanging naghahanapbuhay para sa kanila. Kapag dumarating ang mga araw na kulang ang pera, lagi niyang sinasabi sa kanyang asawa, “Pasensiya ka na, pagkasyahin muna natin.”

Sa kabila ng kahirapan, pinipili ni Joselito na manatiling marangal sa kanyang trabaho. “Mas mabuti pang maging basurero kesa sa gumawa ng masama,” aniya. Ipinakita ni Joselito ang tunay na diwa ng pagiging responsable at mapagpakumbaba.

Sa tulong ng AKAP, nakatanggap si Joselito ng tatlong libong piso mula sa DSWD. Malaki ang kanyang pasasalamat sa ahensya dahil sa tulong na ibinigay sa kanila na hindi kabilang sa mga kinikilalang marginalized sectors ngunit mababa ang kita. “Maraming salamat sa DSWD sa paglikha ng AKAP program. Ang tulong na ito ay gagamitin ko para mabili ang agarang pangangailangan ng aking pamilya,” pahayag niya.

Ang kwento ni Joselito ay sumasalamin sa layunin ng AKAP na magbigay ng agaran at konkretong tulong sa mga pamilyang tulad niya na nasa laylayan ng lipunan. Patunay ito na ang bawat tulong, ano man ang halaga, ay may malaking epekto sa buhay ng mga kababayan nating nagigipit.

Patuloy ang DSWD sa kanilang pangakong maghatid ng malasakit at suporta sa bawat Pilipinong nangangailangan, lalo na sa mga kagaya ni Joselito na nagsusumikap para sa kanilang pamilya sa kabila ng mga hamon sa buhay.###

 

image_pdfimage_print