Payak ang pamumuhay nina Victoria kasama ang kanyang asawa at  anak sa Naic, Cavite. Hindi alintana ang hirap ng buhay dahil sa suporta ng kanyang buong pamilya. Ngunit sa ‘di inaasahang pagdating ng pandemya, isa ang pamilya De Castro sa mga nawalan ng hanapbuhay. 

Bitbit ang pag-asa na makakabangon muli, napagdesisyunan nina Victoria at ng kanyang asawa na umuwi sa kinalakhang probinsya ng Nueva Ecija.  Hindi nila inaasahan na sa kanilang pag-uwi ay malaking pagbabago ang kakaharapin ng kanilang maliit na pamilya. 

Natuklasan ng mag-asawang De Castro na sila ay kwalipikado sa programa ng DSWD na Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2). Ito ay parte ng Executive Order No. 114 na naglalayong bigyang pagkakataon ang mga pamilyang magsimula muli sa kani-kanilang mga probinsya. 

Hindi pa man lubos na nakabangon sina Victoria ay isang unos nanaman ang dumating sa kanilang buhay; isang ‘di kilalang numero ang nagbigay ng impormasyon na diumano may ibang babae ang kanyang asawa. Dagdag pa niya, “habang inaayos pa po namin ang mga kailangang gawin para sa BP2  ay may nagtext po sakin na may kasama pong ibang babae ang asawa ko. May nagsend din po ng picture na may kasama siyang ibang babae na kumakain sa restaurant.” 

Nang lumaon ay nakumpirma ni Victoria mula sa kanyang asawa na ito nga ay may ibang babae at pinili nito na tapusin na ang kanilang pagsasama. Isinantabi ni Victoria ang pait na kanyang nararamdaman at piniling magpatuloy sa laban kahit wala na ang kanyang kabiyak.

Ginusto niyang patunayan sa kanyang asawa na kahit wala ito sa kanyang tabi, kakayanin nilang mag-ina na umangat sa buhay. Dahil dito naisipan ni Victoria na muling buksan ang kanilang maliit na negosyong ukay-ukay upang patuloy na matustusan ang pag-aaral ng kanyang anak na nasa ika-anim na baitang. 

“Dati po ang ate ko ‘di pa po nakaka-abroad nagla-live po talaga kami. Tumutulong-tulong lang po ako niyan. Ngayon po naisip ko na ako magpatuloy — ginawa ko nagtanong ako sa palengke kung pwedeng kumuha ng pwesto doon. Awa ng Diyos mag-3 months na akong nagtitinda doon.” nakangiting pagbabahagi ni Victoria. 

Mababakas sa kanyang mukha na ang pag-asang bitbit pauwi  na magiging maasenso silang mag-ina — malaking bagay din ang pagsasanay na pinangunahan ng BP2 focal kasama ang mga Finance Team ng KALAHI-CIDSS, at nadagdagan pa ang kanyang pangkabuhayan. Sambit pa niya, “Masaya ako na hindi ko na kailangang problemahin pa ang gastusin namin sa araw-araw, hindi nawawala ‘yung puhunan. Ang natanggap ko ay papalaguin ko pa at ‘di ko hahayaang mawala.” 

Labis ang pasasalamat ni Victoria sa pagpapalang kanyang natanggap sa tulong ng BP2, “Maraming maraming salamat po sa lahat ng tumulong at sa Balik Probinsya Program, Bagong Pag-Asa Program. Malaking tulong ito sakin, lalo na sa isang solo parent na kagaya ko.” ###

 

Isinulat ni: Alexine Bianca RdS. Castañeda
Istorya mula kay: Dennis Daniel M. Cunanan