FLORIDABLANCA, PAMPANGA — Nabigyan ang 10 Edible Landscaping starter kits  ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang sila ay magkaroon ng siguradong pagkukunan ng pagkain. 

Ang edible landscaping kit ay naglalaman ng garden tray, pala, at mga punla. Ito ay isang inobasyon mula sa Department of Agriculture at University of the Philippines Los Banos para mapalaganap ang urban farming sa mga mahihirap na lugar, nilalayon din nito na ipakilala ang iba-ibang paraan ng pagtatanim gaya ng organic farming, vertical farming, hydroponics, at horticulture.

“Malaki ang pasasalamat namin sa Department of Agriculture at aming partner na DSWD Region 3 dahil kami ay nabigyan ng edible landscaping starter kits, makakatulong ito sa existing communal garden ng mga 4Ps dito.” Pahayag ni Municipal Social Welfare and Development Officer Edelyn S. Lobo. 

Kasama rin ito ng reigning Miss Aura International Alexandra Faith Garcia, “ Malapit sa puso ko ang DSWD, noon pa man pinipili ko nang tulungan ang mga benepisyaryo nito lalo na ang mga 4Ps beneficiaries dahil dating nagtrabaho ang daddy ko sa DSWD.” 

“Maganda itong garden namin, nakakakuha kami ng pang-ulam gaya ng talong at kamatis lalo na ngayong pandemic. Ipagpapatuloy namin ang pagtatanim dahil maganda ang naging dulot nito.” Pahayag ng 4Ps beneficiary na si Reyann De Mesa. 

Dagdag pa ni Violeta Pingul, 4Ps beneficiary “Munang-muna pu maragul ya sawup kekami, maka-harvest ke pung gule, kadwa ma-exercise kami mananam. (Unang-una po malaki ang tulong nito samin, nakakaharvest kami ng gulay, at pangalawa nagiging ehersisyo ang pagtatanim samin.)”