Bilang parte ng ika-10 taong anibersaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP), idinaos ang Sulong Bayanihan 2021 na may temang “Isang Dekada ng Pag-Sibol”. Dito ay binigyang parangal ang mga asosasyon at katuwang ng programa na naging susi sa matagumpay na implementasyon nito. 

Naging kampyon ang mga kalahok mula sa Region 3 para sa dalawa (2) mula sa pitong (7) kategorya (MARKET, LUPA,-ATBP, TRANSFORM, GAWANG-KAMAY, LIBOT/SERBIS, DUNONG, SIKAP/TIYAGA) ng Sulong Bayanihan 2021. Naiuwi ng Talugtug Plates and Platters 4Ps Livelihood Association ang Gawad Sibol na siyang pinakamataas na karangalan sa ilalim ng LIBOT-SERBIS Category, gayundin ang Alion Kapit Bisig SEA-K Association para sa TRANSFORM Category.

“Buong puso po kaming nagpapasalamat sa lahat po ng mga taong tumulong at nagtiwala sa amin. Ang pagkakataon po na ibinigay sa amin upang maipakita ang aming kakayahan ay ang naging daan upang maging matagumpay ang aming proyekto”, ani Ismaela Fontanilla, presidente ng Talugtug Plates and Platters 4Ps Livelihood Association.

Maliban dito, ginawaran rin ng parangal ang Association of Skills Livelihood Provider o ASLP bilang isa sa mga Outstanding Regional Partner ng DSWD-SLP para sa kanilang natatanging kontribusyon bilang katuwang ng Region 3 sa matagumpay na implementasyon ng programa.

Binigyang pagkilala rin ang pagkamit ng DSWD Region 3 SLP Regional Project Management Office sa Performance Governance System commitments nito ngayong taon.

Ayon kay Vencie Vertulfo, Regional Program Coordinator ng SLP Region 3, “Labis na natutuwa kami sa karangalangang natanggap ng aming opisina at ng aming benepisyaryo sa activity na ito. Lubos kaming nagpapasalamat sa suporta ng management, sa pangunguna ni RD Marites Maristela, pati rin sa lahat ng staff ng SLP dahil kung hindi dahil sa kanila, hindi namin makakamit ito.”

Upang ipagdiwang ang mga pagbabago na hatid ng SLP Region 3 sa buhay ng mga benepisyaryo nito, inilunsad sa naturang aktibidad ang Paralaya: Mga Kwento ng Pagsibol sa Gitnang Luzon. Itinatampok dito ang mga benepisyaryo na nagtagumpay sa hamon ng buhay sa pamamagitan ng kanilang mga diskarte at abilidad kaagapay ang programa.