Camiling, Tarlac – Matagumpay na cash-for-work payout sa Camiling, Tarlac ang idinaos kahapon, September 29, 2021, para sa 79 na benepisyaryo mula sa apat na barangay sa nasabing bayan sa ilalim ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS para sa proyektong Street Sweeping and Clearing.

Layunin ng KALAHI-CIDSS cash-for-work program na matulungan ang mga miyembro ng komunidad na labis na naapektuhan ang hanap-buhay ngayong pandemya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pansamantalang solusyon sa kanilang pinansyal na pangangailangan.

Nakatanggap ng Php 3,780.00 ang bawat benepisyaryo na nagtrabaho ng siyam na araw. Inaasahan na tatanggap pa sila ng Php 420.00 sa 2nd tranche payout para sa kanilang sahod sa ikasampung araw na pagtratrabaho. Natukoy ang mga benepisyaro gamit ang proseso ng Disaster Response Operations Modality.

Php 331,800.00 naman ang kabuuang halaga ng grant ng Camiling, Tarlac para sa cash-for-work program mula sa KALAHI-CIDSS, habang Php 3,000.00 naman ang halaga ng kanilang local counterpart contribution.

Lubos ang tuwa at pasasalamat ni Adolfo Mabalot Jr., punong barangay ng Pindangan 1st sa programang ito ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. Aniya, “Nagpapasalamat ako sa DSWD, malaking tulong ito para saamin kasi sa hirap ng buhay ngayon talagang kailangang kailangan na magkaroon sila ng mapagkukunang pinansyal na ikabubuhay nila para sa araw-araw.” Dagdag pa niya, natutuwa siya dahil nagkaroon ng pagkakaisa ang mga miyembro ng kanilang komunidad na pagandahin at linisin ang kanilang barangay.

Ginanap ang payout sa barangay hall ng Brgy. Pindangan 1st na pinaghati-hati sa apat na batch upang masiguro na makakasunod ang bawat isa sa health protocol sa pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19.

Kasama ang KALAHI-CIDSS sa mga programa ng gobyerno na maipaabot ang social services sa mga miyembro ng komunidad sa gitna ng pandemya hindi lamang sa kalusugan kundi maging sa economic balance ng isang pamilya at komunidad.

###