1

Tagalog News: DSWD, namahagi ng Livelihood Assistance Grant sa San Marcelino

IBA, Zambales (PIA) — Nagkaloob ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ng Livelihood Assistance Grant sa may 54 kwalipikadong benepisyaryo sa bayan ng San Marcelino sa Zambales.

Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Office Head Sahra Soria, ang bawat isa ay nakakuha ng sampung libong piso.

Ang Livelihood Assistance Grant ay mula sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD na may layuning makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nawalan ng trabaho o kabuhayan dahil sa pandemya.

Ito ay recovery o rehabilitation program ng pamahalaang nasyunal na nakapaloob sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Maaring gamitin ng mga benepisyaryo ang natanggap na tulong sa paghahanap ng trabaho, pagtatayo ng maliit na negosyo, o suporta habang naghahanap ng panibagong kabuhayan.

Samantala, hinikayat naman ni Mayor Elvis Ragadio Soria na pagyamanin at ingatan ang natanggap na puhunan upang maging mabuting huwaran sa ibang kababayang nagnanais makatanggap ng tulong pinansyal sa pamahalaan. (CLJD/RGP-PIA 3)