Kung ano ang itinanim, siya ang aanihin, ito marahil ang lagi nating naririnig sa ating mga magulang simula noong tayo ay maliit pa lamang. Kapag ikaw ay gumawa ng kasamaan sa iyong kapwa, yun din ang babalik sayo, samantalang kapag ikaw ay gumawa ng mabuti, ito ay masusuklian din ng kabutihan.
Ito ay isa sa mga prinsipyo ni Nenita B. Reyes, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Nagsimulang mapasama si Nenita sa 4Ps noong taong 2009. Noong una ay isang mahiyaing maybahay si Nenita, hindi pala-labas at hindi nakikisalamuha sa kanilang komunidad ngunit naging daan ang pagiging 4Ps Parent Leader (PL) niya kaya siya ay naging aktibo sa kanilang komunidad.
“Kung dati po hiyang-hiya ako makipag-usap sa mga may katungkulan, noong naging PL po [ako] at maipadala sa mga training, nagkaroon po ako ng empowerment, kapag may mga nais i-propose, sinasabi ko po sa kinauukulan. Kapag may mga humihingi po ng tulong, tumutulong po sa abot ng makakaya, hindi man po financially, thru referrals po,” isang pagbabahagi ni Nenita.
Noong nakaraang taon, isa ang grupo nila Nenita sa mga nagkusang loob na magkaroon ng 4Ps Bayanihan kung saan sila ay boluntaryong nag-ambagan mula sa kanilang natanggap na Php 6,500 mula sa Social Amelioration Program, upang makabili ng mga grocery packs na kanilang ipinamahagi sa kanilang mga kasamahan sa komunidad.
“Nung nakita po namin yung sa Maginhawa [Community Pantry], na inspire po kami, since kahit last year pa po ay gumagawa na ako ng paraan para makapamigay ng relief goods sa mga neighbors at pwds at may tumutugon naman po why not po kako magtayo ng community pantry together with the team kasi po sa community pantry may bayanihan po talaga,” dagdag ni Nenita kung bakit siya ay nahikayat na bumuo ng community pantry.
Nagsimula sila sa halagang 500 pesos na lumago sa 2,200 pesos na kanilang ipinangbili ng mga gulay na ipamimigay sa mga residente ng kanilang lugar. Halos araw-araw ay may nagbabahagi ng itlog, gulay, at iba pang pagkain maging vitamins at seedlings na kanilang naipamahagi sa mahigit 500 na mga kasama sa komunidad.
Sa ngayon ay patuloy na nagbubukas ang community pantry sa harap ng bahay ni Nenita. “Yung smile po na ibinabalik ng bawat taong natutulungan namin parang isang napakalaking fulfillment po sa buhay – na may nagawa po kami para sa ikabubuti po nila kahit sa mumunting paraan.”
Mula naman sa probinsya ng Aurora may walong grupo (MCCT-IP Community Pantry, Barangay Dinadiawan, Dipaculao, MCCT Manggitahan, MCCT Esperanza, Dilasag, Casiguran Ministerial Fellowship in partnership with MCCT IP bene of Sitio Dumaguipo Brgy. Cozo, Casiguran, 4Ps Dimanpudso, Maria Aurora, Aurora Community Pantry, at Good Samaritan Community Pantry MCCT-IPs Brgy. Diagyan Association) na mula sa Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) beneficiaries na siyang nagtayo ng community pantry at namahagi ng kanilang mga ani mula sa kanilang community garden.
Isa si AJ Quiliza, 12, 4Ps child-beneficiary at kasalukuyang nasa ika-apat na baitang sa elementarya ang nagbahagi sa Dikildit Community Pantry ng Maria Aurora, Aurora. Ibinahagi ni AJ ang ilan sa mga ani nilang mais mula sa kanilang backyard garden.
Iilan lang silang mga benepisyaryo ng 4Ps na aktibong nakikibahagi sa patuloy na pagbangon ng Pilipino mula sa pandemya. Pinapatotoo ng mga kwentong ito ang layunin ng programa sa pagpapaunlad ng sarili, pamilya at komunidad. ###
Story by: Alexine Bianca RdS. Castañeda