Si Nieves, Noon at Ngayon
“Mahirap ang buhay noong panahon na wala pang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps.) Kumbaga, sapat na ang makakain kami tuwing kumakalam ang aming sikmura. Sapat na pumapasok sa eskuwela ang mga bata na wala pa sa isip namin bilang mga magulang ang pagpaplano para sa kinabukasan ng aming mga anak. Sa isip namin bahala na ang tadhana kung saan man dadalhin ang mga anak namin.” Ito ang salaysay ni Nieves A. Fernandez, 53 taong gulang, Parent Leader mula sa Dilaguidi, Dilasag, Aurora.
Taong 2009 nang mapabilang ang pamilya Fernandez sa 4Ps, at sa taong ding iyon ay nagbago ang buhay ng pamilya. Hindi ikinahiya ni Nieves ang kanilang dating pamumuhay at pag-uugali bagkus taas noo sa pagbabahagi sa pagbabago sa kaniyang sarili at sa kanilang pamilya.
Malaki ang pagpapasalamat ni Nieves sa programa dahil sa pamamagitan ng Family Development Session (FDS) ay natutunan niyang makisalamuha sa ibang tao. Unti-unti ring nabuo ang kanyang kumpyansa sa sarili hanggang sa di na niya namalayan na siya pala ay nakakapagsalita na sa harap ng kaniyang mga kapwa miyembro.
Nakitaan ng potensyal si Nieves na maging Parent Leader pero hindi buo ang kaniyang loob dahil sa pagdududa sa sarili. Aniya, “Parang hindi ko kayang magpasunod sa mga miyembro ko na marami ring pasaway gaya ko ay mayroon ding pagkukulang at ginagawang pagkakamali kontra sa adhikain ng programa para sa amin. Pero unti-unti, kasabay ng aming pagtugon sa nasabing mga kondisyon at mga aral na napupulot sa FDS ay ibayong pagbabago sa aming pag uugali at pananaw sa buhay.”
Patotoo rin ni Nieves na hindi lamang pansarili ang pagbabago na dulot ng programa, malaki rin ang naging epekto nito sa kanyang pamilya, “Dahil sa tulong ng 4Ps, ang pamilya ko ay naging maayos. Yung mga hindi makabuluhang bagay na nakaugalian naming gawin noon gaya ng madalas na pag-aaway naming mag-asawa, pagsusugal ko at hindi pag sangkot sa mga kaganapan sa barangay ay napalitan ng isang aktibo at produktibong pakikisangkot bilang isang mabuting miyembro ng komunidad.”
Mula sa pagiging mahiyain dahil sa kawalan ng kumpyansa sa sarili, nagsimula si Nieves bilang isang Red Cross volunteer at sa kalaunan ay naging barangay kagawad.
Si Nieves sa Panahon ng Pandemya
Bilang isang responsableng mamamayan, naging masunurin si Nieves at ang kanyang pamilya sa mga alituntunin sa panahon ng pandemya at ginamit ang panahon ng kanilang pananatili sa bahay upang maging produktibo. Habang ang kaniyang pamilya ay nananatili sa bahay, bilang Barangay Health Emergency Team volunteer, si Nieves ay nagdu-duty sa checkpoint upang mag-monitor sa kalagayan ng kanilang mga ka-barangay.
Hindi rin nakalimutan ni Nieves na kumustahin ang kanyang mga miyembro bilang isang Parent Leader. Ipinagmamalaki ni Nieves na 100% sa kanyang mga miyembro ay may sariling gulayan sa bakuran. “natutuwa po akong makita sila na hindi sila ganon ka-apektado ng krisis na ito dahil kahit papaano nakatulong ang kanilang mga gulayan sa pang araw araw na pagkain.”
Samantalang, ang mga sumosobrang ani naman mula kina Nieves at kapwa 4Ps ay kanilang ibinabahagi sa barangay council. Sa ganitong paraan naiibsan ang kakulangan ng pondo ng barangay upang masustentuhan ang pang araw-araw ba gastusin sa paglalaan ng serbisyong pambarangay sa gitna ng pandemya.
Gayunpaman, may mga kabarangay sila na hindi kabilang sa 4Ps at may mga pamilya na nahihirapan sa pang-araw araw nila dahil nawalan ng trabaho. Dahil dito, naging inspirasyon ni Nieves ang kanyang pamilya sa panahon ng pandemya, dahil sa kanilang pagtutulungan, “Malaking pasasalamat ko sa biyaya na hindi kami nagkakasakit at hindi kami masyadong apektado sa krisis na kinakaharap ngayon hindi kagaya sa ibang pamilya na hirap sa panahon ngayon.”
Naisip ni Nieves na magkaroon ng inisyatibo ng bayanihan bilang mga kasapi ng 4Ps upang makapaghatid ng tulong sa mga pamilyang nakakaranas ng matinding kahirapan. Isinangguni ito ni Nieves sa kanyang mga kasamahan at sila naman ay sumang-ayon. Sila ay nakalikom ng Php 4,000 mula sa kanilang ESP-SAP payout noong Abril. Dadag pa rito ang mga donasyon na grocery mula sa kanilang mga kapwa 4Ps. Anim na pamilya ang kanilang nabahagian ng cash, samantalang 12 na pamilya naman ang nakatanggap ng grocery packs.
“Ang aming kapitan ay lubos na nagagalak sa ginawa naming inisyatibo sabi pa nga po niya ay hindi daw niya akalain na magagawang tumulong ng mga 4Ps na silang mga mahihirap ng sambahayan ay nagagawa nilang magabot ng kahit naong tulong sa mga kabarangay niya.” salaysay ni Nieves sa kanyang karanasan nang siya ay mag-ulat sa kanilang pagpupuling sa pamunuan ng barangay.
Sa kanilang munting paraan, naging tulay ang mga pamilyang 4Ps upang iparamdam sa kanilang mga kabarangay na hindi sila nag-iisa sa panahon ng pandemya. Balang araw, pinapangarap ni Nieves na magkaroon ng maunlad na komunidad, gayundin, para sa kanyang mga anak na hindi danasin ang kanilang pinagdaanang hirap, “Ayoko na makita sila na sila ay makakasama din sa 4Ps sa kinabukasan dahil nangangahulugan ito na hindi nagtaumpay ang Pantawid Pamilya Pilipino Program sa aming pamilya.”
Story lead: DPEO Aurora