Ang National Federation of Day Care Workers of the Philippines, Incorporated (NFDCWPI), PAMPANGA CHAPTER, ay isang organisasyon na may layuning palakasin ang kakayahan ng lahat ng mga Child Development Workers ng probinsiya sa pamamagitan ng mga programa at serbisyong kapakipakinabang hindi lamang para sa mga miyembro, kundi para rin sa kapakanan ng mga day care children at ng komunidad.
Kilala ang Pampanga Federation sa kanilang taunang “Activity For-A-Cause”, kung saan pinaprayoridad na matulungan ang mga Child Development Workers at Child Development Centers na nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA areas gaya ng upland areas ng Porac, Floridablanca at Mabalacat City at coastal areas ng Macabebe, Masantol, Minalin na matatagpuan sa ika-apat na distrito ng Pampanga, at ng Sasmuan, Guagua, Lubao na nasa ikalawang distrito naman.
Dahil sa mga makabuluhang programa ng organisasyon, palagian silang nabibigyan ng pagkilala sa tuwing dumadalo sa mga buwanang pagpupulong ng Regional Federation na ginaganap sa DSWD Field Office III. Minsan na ring naimbitahan ang pederasyon katuwang ang PSWDO Pampanga sa Regional Assembly of Day Care Workers noong taong 2018 upang maibahagi ang kanilang adbokasiya na pinamagatang “Towards Day Care Workers’ Plantilla-based Employment”. Ang adbokasiyang ito ay naglalayong maiangat ang kalagayan at kalidad ng pamumuhay ng ating mga Child Development Workers na naturingang mga “unsung heroes”.
- Significant Accomplishments within the Last Three Years
Nagsimulang maging aktibo ang Pampanga Federation ng taong 2016 sa pamumuno ni Gng. Alma N. Pangilinan (2015-2018). Sa panahong ito naisaayos ang mga polisiya na siyang naging tungtungan ng mga programa at serbisyo ng organisasyon. Ang mga polisiyang ito ay pinagtibay ng mga resolusyon gaya ng mga resolusyong nag-aapruba sa panuntunan ng mga sumusunod: Damayan, Attendance on Meetings, Transportation Allowance at Activity For-A-Cause.
Ang Damayan ay isang programa na lubos na nakakatulong sa mga Child Development Workers at sa kanilang mga benepisyaryo. Ito rin ay nagsisimbulo ng pakikiramay at pakikidalamhati sa tuwing namatayan ang miyembro o sa panahong ang miyembro mismo ang mamayapa. Sa ganitong sitwasyon, ipinagkakaloob ang benepisyo sa malapit na kaanak ng namayapang Child Development Worker na humigit kumulang sa halagang P50,000 at nasa halagang humigit kumulang na P11,000 naman kung ang namayapa ay ang benepisyaryo ng Child Development Worker.
Sa mga nailuklok na opisyales ng organisasyon, napakahalagang magampanan nila ang mga naatas na tungkulin. Dahil dito, hinihikayat ang 100% attendance sa bawat pagpupulong. Dito nabuo ang mga panuntunan na Attendance on Meetings Guidelines at Transportation Allowance Guidelines. Naging epektibo ang initiyatibong ito sapagkat nagkaroon ng motibasyon at disiplina ang mga opisyales sa pagdalo sa mga pagpupulong at iba pang mga gawain. Taas noo ring maibabahagi ng Pampanga Federation ang kanilang partisipasyon sa pagbuo ng mga polisiya na nakapaloob sa Standards for Child
Development Service of the Province of Pampanga bilang miyembro ng Provincial ECCD Committee. Ang mga polisiyang ito ay ang mga sumusunod: Policy on the Care for the Sick Children, Protocol on the Care for Malnourished Children, Procedure for the Prevention of Injury, Rules, Policies and Procedures for the Behavior Management of 3 to 4 Year Old Children, at Disaster Management Plan.
Sa kabilang banda naman, ang “Activity For-A-Cause” ng organisasyon ay ginaganap sa tuwing ipinagdiriwang nila ang kanilang provincial assembly. Nasa P63,000 ang halaga ng kanilang nalilikom na inilalaan sa napiling proyekto at mga benepisyaryo. Sa unang taon ng programa noong 2017, lubos na kagalakan at pasasalamat ang nadama ng mga Child Development Workers at ganun din ng mga day care children na nasa upland areas at coastal areas ng probinsiya dahil sila ang mga napiling benepisyaryo. Ilan sa kanilang mga natanggap ay mga learning materials gaya ng big story books, puzzles, assorted balls, rubber mats at mga supplies gaya ng bondpaper, colored paper, logbook, pencil, ballpen, eraser, chalk at stapler. Ang mga upland areas ng Pampanga ay pinamamahayan ng mga katutubo nating mga Ayta. Matatagpuan ang mga ito sa Floridablanca, Porac at Mabalacat City. Ang mga coastal areas naman ay matatagpuan sa Macabebe, Masantol, Minalin, Sasmuan, Guagua at Lubao. Sa parehong taong, nabigyan din ng biyaya ang mga piling Child Development Centers sa 19 na munisipyo at 2 siyudad sa pangalawang bugso ng gift giving na napagkalooban din ng mga learning materials. Sa taong 2018, ganito pa rin ang naging sistema subalit sa pagkakataong ito, kailangang magpasa ng project proposal ang bawat munisipyo kung saan kailangang isaad ang paglalaanan ng halagang ipagkakaloob ng Pampanga Federation. Sa taong 2019 naman, binigyang prayoridad ang mga upland areas ng Mabalacat City na kung saan matatagpuan ang Haduan CDC at Monicayo CDC. Sa loob ng tatlong (3) taon, umabot na sa P219,000 ang halagang naitulong ng organisasyon sa kanyang nasasakupan sa pamamagitan lamang ng programang ito.
Ang Pampanga Federation ay nagbibigay din ng technical assistance sa kanilang mga kasamahan na nakatakdang dumaan sa Assessment of Child Development Centers and Child Development Workers. Sila ay bumababa sa mga munisipyo upang makatulong sa paghahanda sa pamamagitan ng pagbibigay ng opinion at mga rekomendasyon nang sa gayo’y mas mapabuti pa ang kalidad ng mga kakailanganing dokumento sa accreditation. Nakagawian na rin ng Pampanga Federation na magbahagi ng mga Good Practices on Arts & Crafts sa tuwing sila ay may buwanang pagpupulong. Sa ganitong pamamaraan, nabibigyan ng ideya at karagdagang kaalaman ang bawat miyembro na siya namang ibabahagi nila sa kani-kaniyang munisipyo. Aktibo din ang partisipasyon at pagtulong ng organisasyon sa tuwing may capability building para sa kanilang sector.
Noong taong 2019, naramdaman ng probinsiya ang lindol na may magnitude 6.1. Lubos na naapektuhan ang upland areas ng Porac at Floridablanca. Dahil dito, minabuti ng organisasyon na tumulong sa pamamagitan ng pamamahagi ng mineral water, bath soap, dishwashing soap, noodles, instant coffee at mga kumot. Nasa 110 na pamilya ang natulungan sa barangay Diaz, bayan ng Porac, 75 na pamilya sa barangay Camachile, bayan ng Floridablanca at 10 empleyado ng gumuhong Chuzon Supermarket sa bayan pa rin ng Porac. May kabuuang P15,640.00 ang halagang naibahagi ng Pampanga Federation.
Ang Pampanga Federation, katuwang ang PSWDO Pampanga, ay aktibong nakikilahok sa adbokasiyang pinamagatang “Towards Day Care Workers’ Plantilla based Employment”. Ito ay naglalayong mabigyan ng plantilla positions ang ating mga Child Development Workers o madagdagan man lamang ang halaga ng tinatanggap nila mula sa barangay at munisipyo. Noong taong 2018, mapalad na naibahagi itong adbokasiyang ito sa harap ng napakaraming mga Child Development Workers ng Region III
na ginanap sa Nueva Ecija Convention Center, Palayan City. Pinalakpakan at hinangaan ang adbokasiyang ito. Bilang patunay, may mga kalapit probinsiyang sumunod sa adhikaing ito. Sa lalawigan ng Pampanga, maraming munisipyo na ang nagtaas ng halagang ibinibigay o ang tinatawag na subsidy sa ating mga dakilang Child Development Workers. Maliban pa dito ang mga kagamitang ipinagkakaloob sa kanya-kanyang mga centers at mga seminars na dinadaluhan upang mapaunlad pa ang kanilang mga kakayanan at kaalaman.
May inisiyatibo din ang Pampanga Federation na palawigin ang Backyard Gardening sa lahat ng mga Child Development Centers ng probinsiya noong taong 2019. Ang programang ito ay may layuning ilapit sa mga Day Care Children ang mga masusustansiyang gulay, gawing aktibo ang mga magulang sa pakikibahagi sa paghahalaman, at maging oportunidad sa mga bata ang backyard gardening bilang isang anyo ng pagbibigay kaalaman at pagtuklas (Science and Discovery). Sa muling pagkakataon, ang programang ito ay hinangaan sa Regional Federation Meeting.
Ang taong 2020 ay isang mapanghamon na taon dahil sa panganib na dulot ng pandemiyang COVID19. Maliban sa panandaliang naantala ang pagbubukas ng klase sa mga child development centers, nag-iba din ang pamamaraan ng pagbibigay ng mga programa at serbisyo. Ang Early Childhood Care and Development (ECCD) Programs ay naibabahagi sa pamamagitan ng Alternative Mode of Learning Delivery (AMLD). Sa pamamaraang ito ang mga magulang o parent-mentors ang siyang tinuturuan ng mga Child Development Workers kung paano ituturo ang mga weekly learning plan at activity guides sa mga bata. Ang mga magulang ang siyang nagsisilbing guro ng mga bata. Ang dating face to-face meeting at training naman ay naging virtual alinsunod sa tinatawag na health protocol at para na rin sa kapakanan ng bawat isa. Dahil sa mga pangyayaring ito, nag-usap ang Pampanga Federation at ang PSWDO Pampanga kung paano makakatulong sa mga Child Development Workers, parent-mentors at sa mga batang edad tatlo (3) hanggang apat (4) na taong gulang. Dito nabuo ang konsepto ng Provincial ECCD Commons – Pampanga. Ito ay isang Facebook group page na kung saan maaaring mag-post ang mga miyembro ng mga video materials na maaaring makatulong sa iba pang mga Child Development Workers at parent-mentors sa kanilang pagtuturo. Ang mga video materials ay maaaring binubuo ng mga kanta, tula, maikling kwento, arts and crafts, tamang pag-uugali at mga iba’t-ibang routine activities gaya ng pagdarasal, pag-awit ng Lupang Hinirang, pag
ehersisyo, at mga panuntunan sa kalusugan at kaligtasan. Ang 19 na munisipyo at 2 siyudad ng lalawigan ng Pampanga ay may pakikilahok at pakikiisa sa naturang group page sapagkat ang lahat ay gumawa ng video material na kanilang ibabahagi. Bilang tugon pa rin sa ating kinahaharap na suliranin dulot ng pandemya, ang Pampanga Federation na kinabibilangan ng mga nasasakupang Child Development Workers ay malaki din ang naiambag at partisipasyon sa nakaraang validation at assessment ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program o SAP ng DSWD. Bukod pa rito, katuwang din sila ng barangay at musipiyo sa pagsasagawa ng profiling at sa tuwing may ipamimigay na ayuda gaya ng Social Pension o SocPen para sa mga senior citizens.
Bilang aktibong miyembro ang Pampanga Federation ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC), nakibahagi din ito sa naaprubahang proyekto ng council para sa taong 2021. Ito ay ang pamimigay ng learning workbook para sa mga Day Care Children. Upang masimulan ang nasabing materyal, ginanap ang “Workshop on the Drafting of the Provincial Learning Workbook for Day Care Children” noong nakaraang Oktubre ng taong kasalukuyan. Napili ang mga miyembro ng Pampanga Federation upang magsilbing contributors ng nasabing learning workbook. Sila ang naglapat ng nilalaman ng mga pahina na binubuo ng mga weekly learning plans, activity guides at sample outputs.
Sa kasalukuyan, ang Pampanga Federation ay pinamumunuan ni Gng. Dalisay Z. Gamboa (2018-2020) sampu ng iba pang masisipag at dedikadong opisyales ng organisasyon. Ang bawat isa ay may mahalagang tungkuling ginagampanan upang maisakatuparan ang mga programa at maibigay ang serbisyo hindi lamang sa mga miyembro nito kundi para na rin sa kapakanan ng mga batang kanilang tinuturuan.