Ang Listahanan ay isang istratehiya ng DSWD na tumutukoy kung sino at nasaan ang mahihirap sa bansa. Layunin nito na magkaroon ng kumprehensibong datos ng mga sambahayan na maaaring mapabilang sa mga programa ng DSWD. Ang listahanan ay ina-update tuwing ika-apat (4) na taon alinsunod sa 867, s. of 2010.
Sa kasalukuyan ay may naitalang 316,432 (Aurora 17,365; Bataan 19,100; Bulacan 41,446; Nueva Ecija 108,922; Pampanga 34,667; Tarlac 57,220, at Zambales 37,702) inisyal na sambahayang nangangailangan mula sa 1,414,993 na mga sambahayang sumailalim sa household assessment mula sa Gitnang Luzon.
Nakapaskil na ang paunang listahan ng mahihirap sa mga barangay mula sa Gitnang Luzon. Ang mga pangalang nakapaskil ay resulta ng ginawang malawakang household assessment noong nakaraang Nobyembre 2019 hanggang Marso 2020.
Ang pagsasapubliko ng nasabing listahan ay bahagi ng proseso ng balidasyon upang makita at masuri ng mga sambahayan ang mga datos ng mga natukoy na mahihirap na pamilya at indibidwal. Gayundin, bukas ang ahensya sa mga reklamo at katanungan na may kaugnayan sa mga listahan na ito.
Ang mga Listahanan Area Supervisors ay tatanggap at magpoproseso ng mga reklamo mula sa komunidad sa mga nakatakdang iskedyul sa bawat barangay.
Sisiguraduhin naman ang Barangay Verification Team mula sa barangay at ang Local Verification Committee mula sa munisipyo/siyudad na maproseso sa takdang oras ang lahat ng natanggap na apila at reklamo mula sa kanilang lugar.
Ito ang ilang halimbawa ng mga apila o reklamo na maaaring i-file:
EX01 – Ang isang sambahayan ay nagpapahayag bilang mahirap na maaaring makasama sa listahan
EX02 – Ang isang sambahayan na hindi na-interbyu sa panahon ng data collection period
INC01 – Isang sambahayan na nabibilang sa paunang listahan ng poor households na hindi akma ang klasipikasyon
INC02 – Isang sambahayan na mali ang klasipikasyon at hinahangad na matanggal sa listahan
ER01– Isang sambahayan na kabilang sa paunang listahan na may maling impormasyon sa database (hal. pangalan, kasarian, street address)
ER03 – Isang sambahayan na kabilang sa paunang listahan na may maling impormasyon sa database (hal. barangay address, petsa ng kapanganakan, marital status, at pagdaragdag/pagtatanggal ng roster members)
TR01– Isang sambahayan na lumipat ng tirahan. Kasali rin dito ang mga na-interbyu mula sa evacuation centers at temporary shelters ngunit bumalik na sa kanilang mga permanenteng tirahan
Pagkatapos ipunin at maresolba ang lahat ng apila at reklamo ay magkakaroon ng home visit at interbyu sa mga sambahayan. Ito naman ay susundan ng data entry sa system na siya namang pagmumulan ng huling listahan ng mahihirap na sambahayan.
Maaaring pumunta sa barangay upang magreklamo at magdala lamang ng isang valid ID. Para sa hindi makakatungo sa Barangay maaring magsumite ng reklamo sa website ng DSWD Listahanan, www.bit.ly/listahanan. Paalala ng ahensya na ang mga apila o reklamo na matatanggap sa pamamagitan ng text, email o social media ay hindi ipuproseso.
Paglilinaw ng ahensya na ang mga listahan ay hindi payroll ng mga benepisyaryo na makakatanggap ng pinansyal na ayuda mula sa DSWD. Hindi rin awtomatikong mapapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang mga kabilang sa listahan.