“Tumutulong po ako ngayon sa mga student bilang balik sa pagtulong na ginawa sakin noon.” Ito ang pahayag ng 22-anyos na si Mark Anthony Perez mula sa Tibag, Tarlac City sa kanyang hatid na libreng serbisyo sa pamamagitan ng pagrerepair ng mga laptop ng mga estudyante.

Si Mark ay dating iskolar ng Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Taong 2014 nang mapabilang si Mark sa mga student-beneficiaries na makakatanggap ng scholarship mula sa ESGP-PA. Sa loob ng apat na taon hindi binitawan ni Mark ang kanyang mga pangarap, “Ako po ay isang kabataan noon na may matayog na pangarap sa buhay na hindi alam kung papaano makakapagtapos ng college, ngunit dahil sa 4Ps at sa mga taong tumulong sakin ay natapos po ako at ngayon ay isa ng ganap na computer programmer.”

Hindi inaasahan ni Mark na magiging viral ang kanyang Facebook Post kung saan hinandog niya ang kaniyang libreng serbisyo sa pagrerepair ng mga computer ng mga estudyante upang magamit nila sakanilang nalalapit na online classes. Sabi niya sa sarili kahit 10 o 20 na laptop lang ay titigil na siya, ngunit dahil sa pagiging viral ng kanyang post sobrang dami umano ang nagpi-PM (private message) sakanya ngayon para magparepair ng laptop.

Masayang pagbabahagi ni Mark, “Sobrang saya ko, lalo na ngayon may mga tao na rin sa ibang lugar na tumugon sa panawagan ko. Maging sila man po ay nag-ooffer na ngayon ng libreng repair para sa mga student. Meron na sa Pampanga at Antipolo. Nawa mas dumami pa kami.”

Ang payo naman ni Mark sa mga kabataan na nakakaranas ng kahirapan, “Huwag kayong sumuko kahit na mahirap. Magpatuloy kayo para sa pangarap niyo. Ang taong sumusuko, kailanman ay hindi magtatagumpay sa hamon ng buhay.”

Dagdag pa niya, “I’ve been there. Those struggles, problems, and hardship in life will bring you good things – and will build your character. Overcome those challenges in life dahil part yan ng success. Because you will never be able to enjoy success without struggles, problems and hardship.”

###

Story by: Alexine Bianca RdS. Castañeda

image_pdfimage_print