Higit 14.3M na sambahayan nasuri na ng DSWD para sa Listahan 3

Sa pagpapatuloy ng ikatlong yugto ng assessment ng Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na higit 14.3 milyon na sambahayan o nasa higit 88 porsiyento mula sa 16.1 milyong kabahayan ang nasuri na.

Ang Listahanan ay isang sistema ng pamamahala ng impormasyon na naglalayong magtatag ng isang database ng mga mahihirap na sambahayan na magsisilbing batayan ng DSWD sa pagkilala sa mga benepisyaryo para sa iba`t ibang mga programa at serbisyo nito.

Samantala, ang Listahanan ay kinilala din ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) bilang isang kritikal na serbisyo ng gobyerno.

Sa regular na press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Agosto, sinabi niya na batay sa IATF-EID Resolution No. 65, Series of 2020, na ang Listahanan “surveyors, enumerators, and/or supervisors of the DSWD Regional Offices will be considered as authorized persons outside of residence (APOR) and are allowed to travel inter-zonal and intrazonal in such mode and/or manner as may be available especially in geographically isolated and disadvantaged areas.”

Ang resolusyon ng IATF-EID ay nagbibigay ng suporta para sa Listahanan 3 upang ipagpatuloy ang mga aktibidad nito sa panahon ng pandemya, habang sinisigurado ang mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan ng mga tauhan nito.

Kung matatandaan, nito lamang Hunyo ay opisyal na ipinagpatuloy ang proseso ng pagkolekta ng data, pag-encode, at balidasyon para sa Listahanan 3 matapos itong pansamantalang ihinto upang sumunod sa mga ipinalabas na mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan upang mabawasan ang epekto ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Ilalabas ng DSWD ang listahan ng mga mahihirap na sambahayan upang masuri ito ng publiko at makumpirma nila kung tama ang impormasyon na nakalagay rito. Maaari ring mag-file ng mga hinaing sa pamamagitan ng community desk o sa Listahanan website sa mga naka-iskedyul na na petsa na ibibigay ng mga DSWD Field Offices (FOs).

Ipinaaalala rin ng DSWD sa publiko na walang garantiya na mapapasama sa anumang cash aid o sa anumang programa ng gobyerno kung nakasama sa tala ng Listahanan. Gayunpaman, ang datos na nakalap ay gagamitin bilang batayan para sa pagpili ng benepisyaryo at pag-prioritize para sa mga programa at iba pang interbensyon ng mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at iba pang mga institusyon. ###