Ang Nueva Ecija ay tinaguriang rice granary ng Pilipinas at pagsasaka ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga mamayan ng probinsya. Isa ang munisipyo ng Quezon, sa mga umaasa sa pagtatanim bilang pinagkakakitaan na tutustos sa araw-araw na mga gastusin, gayunpaman seasonal lamang ang kanilang mga pananim at may mga panahong mababa lamang ang kanilang kinikita mula sa kanilang mga ani, na siyang mas nagpapahirap sa sitwasyon ng mga mamayan. Gayundin, limitado din ang mga oportunidad sa lugar.
Noong taong 2014, ay nabigyang oportunidad ang Quezon na mapabilang sa mga munisipyo sa unang bugso ng pagpapatupad ng programang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS). Subalit, ang barangay San Miguel ay hindi napabilang sa prioritization ng mga mapopondohan na mga proyekto dahil may kalakihan ang pondo na kinakailangan sa pagsasa-ayos ng mga daan sa barangay, sa halip ang grupo ay inirifer sa isang livelihood project sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Nagkaroon ng libreng orientation at demonstration sa iba’t-ibang oportunidad na pangkabuhayan ang Alalay sa Kaunlaran Inc. (ASKI), isang non-profit organization (NGO) at sa kabutihang palad ay nakasama ang grupo na may 22 miyembro mula sa San Miguel, Quezon na binubuo ng mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) members, non-4Ps members, at ilang volunteer ng Kalahi-CIDSS, karamihan sa kanila ay mga nanay at magsasaka.
Mula dito ay pinag-isipan nilang humanap ng ibang pinagkakakitaan bukod sa pagtatanim, at doon ipinanganak ang ideya ng veggie noodles at fries dahil ang mga pangunahing sangkap naman sa paggawa ng produkto ay madali lamang makikita sa kanilang lugar. Ito ang proposal na inilapit ng grupo sa SLP na siya namang napondohohan ng 100,000.00 pesos na kanilang ginamit sa pormal na pagsasanay ng mga miyembro mula sa TESDA at pagbili ng mga kinakailangan na gamit para sa produksyon ng veggie noodles.

Hindi natapos ang hamon sa mga miyembro ng grupo dahil hindi naman gaanong malakihan ang produksyon ng veggie noodles at fries. Sa isang linggo nakakagawa lamang sila ng 18 na pakete ng produkto. Nagkaroon ng karagdagang pondo ang grupo mula sa lokal na gobyerno ng Quezon at ang pera na kanilang natanggap ay ginamit nilang pangbili ng karagdagang noodle maker at impulse plastic sealer. Tumaas ang produksyon ng veggie noodles at fries mula 18 na pakete hanggang sa 200 na pakete kada linggo at ang kanilang production cycle na isang beses kada linggo ay napadalas at naging tatlo hanggang apat na beses kada linggo.

Nagbukas ng bagong oportunidad ang pagsali ng grupo sa mga trade fair at bazaar, unti-unti nang nakilala ng publiko ang kanilang produkto at nagkaroon din sila ng pagkakataon na mas palawigin ang kanilang market opportunities, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng koneksyon sa mga local wholesalers at retailers. Gayundin, nagkaroon din sila ng ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at akademya upang maging mas mataas ang kalidad ng kanilang mga produkto para sa mga mas malawak na bentahan ng produkto.
Ayon nga sa kanilang presidente na si Anita R. Fernando, “Nagpapasalamat kami at nabigyan kami ng ganitong hanapbuhay sa pamamagitan ng SLP. Hinahangad namin na makapaghandog ng mas kalidad na produkto.”
*Kung kayo ay interesado sa pag-order ng veggie noodles at fries. Maari ninyong i-text o tawagan si Anita R. Fernando, Presidente ng SMQ Veggie Noodles sa 09757038480.